INIHAYAG ni Senador Antonio Trillanes III, malabo at tiyak niyang hindi si Vice President Jejomar “Jojo” Binay ang magiging manok ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III bilang kandidato ng administrasyon at magpapatuloy ng kanyang sinimulang ‘matuwid na daan.’
Ayon kay Trillanes, batay sa kanyang impormasyon, wala si Binay sa listahan ng mga pinagpipilian ni Aquino.
Samantala, iginagalang ni Trillanes ang opinyon ng tiyuhin at mga kapatid ni Aquino ngunit sa huli ay hindi sila ang magdedesisyon kung sino ang pipiliin ng pangulo.
Sinabi pa ni Trillanes, dapat ding magising na sa katotohanan ang taong bayan kung sino talaga si Binay.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado ukol sa kontrobersiyal na overpriced parking building sa Makati City, nagbanta si Trillanes na isa lang ito sa mga maanomalyang kanyang paiimbestigahan.
Binigyang-linaw ni Trillanes, habang umuusad ang imbestigasyon ay maraming mga ebidensiya ang lumulutang at dumarami rin ang mga dumudulog sa kanya tungkol sa iba pang mga anomalyang nagaganap sa Makati.
Binigyang-diin, ni Trillanes, dapat respetohin ang mga negosyante kung takot silang magbigay ng komento at ayaw makisawsaw sa usapin kahit sila ang sinasabing naging biktima ni Binay, dahil sa pangambang maapektuhan ang kani-kanilang mag negosyo sa lungsod. (NIÑO ACLAN)