NAKAKALOKA ang hatak ni Lyca Gairanod sa publiko. Sobrang dami ng viewers ang gusto talagang malaman ang pinagmulan ng first grand winner ng The Voice Kids. Noong Sabado talagang inabangan at tinutukan ng buong sambayanan ang kauna-unahang pagsabak sa pag-arte ni Lyca sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng kanyang kuwento sa Maalaala Mo Kaya ng ABS-CBN.
Paano naman, mataas ang rate na nakuha ng MMK noong Sabado. Ayon sa datos ng Kantar Media, ang MMK episode noong Sabado (Agosto 16) na nagtampok ng life story ni Lyca ang pinakapinanood na programa sa bansa noong weekend. Pumalo ito sa national TV rating na 38.4%, o triple ng nakuhang 12.8% ng katapat nitong programa sa GMA na Magpakailanman.
Bukod sa TV ratings, namayagpag din sa Twitter ang unang MMK ng batang nagwagi rin ng Camella house and lot muka Vistaland. Dahil sa buhos ng tweets ng netizens kaugnay ng makabagbag damdaming episode, kaagad naging bahagi ng listahan ng worldwide trending topics ang official hashtag ng programa na #MMKLyca. Gayundin, pasok din bilang isa sa nationwide trending topics ang mga katagang “watching MMK.”
Sa kabilang banda, personal na binati kamakailan ni dating Sen. Manny Villar si Lyca sa pagkapanalo sa The Voice Kids. Si Mr. Villar kasi ang head ng Vistaland na siyang nagbigay ng bahay at lupa para sa nanalo sa The Voice Kids. Napag-alaman naming saCamella Tierra Nevada sa General Trias ang napiling lokasyon ng mag-anak para sa papremyong bahay at lupa.
ni Maricris Valdez Nicasio