NAARESTO ng mga tauhan ng Quezon City Police District ang tinaguriang ‘carnap king,’ lider ng Mac Lester Reyes carnap group na kumikilos sa Metro Manila at karatig lalawigan, sa tatlong araw na operasyon sa Malabon City, Caloocan City, Quezon City at lalawigan ng Quezon.
Bukod sa pagkaaresto kay Mac Lester Reyes, 37, ng Unit 2B, #121 Kabigting corner Mauban St., Brgy. 127, Caloocan City, nadakip din ang live-in partner niyang si Richell Sibug, 30; at mga tauhan na sina Armando Dela Cruz, 26, auto techinician; Alvin Ganac, 19, helper; Pablito Gumasing, 34; at Macario San Diego, 23, technician.
Ayon kay Chief Supt. Richard A. Albano, QCPD District Director, nitong Agosto 13, dakong 9 p.m., nakatanggap ng impormasyon ang QCPD Anti-Carnapping na dakong 11 p.m. ay tutungo sa RD Surplus sa Cardiz St., Banaue, Quezon sina Dela Cruz at Ganac lulan ng isang gray Toyota Prado (XRP 290) na isang carnap vehicle.
Sinundan ng mga awtoridad ang sasakyan ng mga suspek na pumasok sa isang compound sa No. 9 Bustamante St., Tenejeros, Malabon City. Nang makapasok ng compound ay mabilis na inaresto ng mga awtoridad sina Dela Cruz at Ganac. Nakompiska ng mga awtoridad mula sa dalawa ang Toyota Prado.
Ikinanta ng dalawa ang kanilang lider na si Reyes at itinuro ang pinagtataguan sa #121 Kabigting St., Brgy. 127, Caloocan City, dito nadakip ang gang leader at ang kanyang live-in partner na si Sibug.
Nitong Agosto 14, dakong 2 a.m. narekober ng mga awtoridad ang Toyota Land Cruiser at isa pang Toyota Prado sa hideout ni Reyes sa Brgy. Tuhian, Catanauan, Quezon Province.
Pagkaraan ay nadakip din sina Gumasing at San Diego sa No. 9 Bustamante St.,Tenejeros, Malabon City nang mamataan habang naghahatid ng kinarnap na mga motorsiklo.
(ALMAR DANGUILAN)