SINIGURADO ni PBA Commissioner Chito Salud na lahat ng mga laro ng liga sa susunod na season ay ipalalabas sa TV5.
Nakipag-usap si Salud sa mga opisyal ng himpilan at sinabi nila sa kanya na magkakaroon ng pagbabago ang mga programa ng TV5 para bigyang-daan ang PBA dahil sa magandang ratings noong huling season kung saan kinopo ng San Mig Super Coffee ang Grand Slam.
“Siguro, after TV5 saw the games, ratings-wise of our games (last season), they made room na for the PBA by allowing our games to be shown live (next season),” wika ni Salud.
Noong huling PBA season ay ipinalabas sa Aksyon TV 41 ang unang laro ng PBA upang bigyang-daan ang mga teleserye ng TV5, pati na rin ang newscast na Aksyon at ang T3 ng magkapatid na Tulfo.
Ngunit inilipat ang T3 sa tanghalian kaya inaasahang magiging madali ang pagpasok ng PBA sa TV5 kapag naayos na ng liga ang bagong oras ng pagsisimula ng mga laro tuwing Martes, Miyerkoles at Biyernes.
Ngunit mananatili pa rin tuwing alas-3 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi ang mga laro tuwing Sabado at Linggo.
“We’ll announce the (adjusted) time later, but TV5 has committed to us an additional one game day which is Tuesday and it will air all our games live in response to request of not just the board of governors, but even clamor of the fans,” ani Salud.
(James Ty III)