NAGHAHANDA ngayon ang National University Pep Squad sa pagdedepensa nito sa titulo ng UAAP Cheerdance Competition na babalik sa Smart Araneta Coliseum sa Setyembre 14 pagkatapos na ginawa ito noong 2012 at 2013 sa Mall of Asia Arena.
Nagwagi ang NU sa UAAP cheerdance sa kaunaunahang pagkakataon noong isang taon ngunit natalo sila sa National Cheerdance Championships (NCC) noong Abril.
Pangatlong puwesto lang ang nakamit ng tropa ni coach Ghicka Bernabe sa NCC habang nagkampeon ang Central Colleges of the Philippines samantalang runner-up naman ang University of Perpetual Help na kampeon sa NCAA Cheerleading Competition.
“Maraming reasons, one of them probably was yung ang tagal naming nagperform. Kasi pang 27 kami, imagine how long our team had to wait,” wika ni Bernabe. “Yung mga bata kasi wanted to focus, pero masyado kaming na-exhaust sa tagal ng paghihintay.”
Pangungunahan ni Claire Cristobal ang NU Pep Squad sa UAAP cheerdance pagkatapos na biglang sumikat siya noong isang taon dahil sa kanyang mahirap na stunts at naging panauhin pa siya sa sikat na programang “Gandang Gabi Vice” ng ABS-CBN.
Naaksidente si Cristobal sa ensayo ng NU Pep Squad kamakailan ngunit hindi naging seryoso ang kanyang mga sugat kaya nakabalik siya sa ensayo.
Ayon sa naging palabunutan ay mauuna ang University of the East sa UAAP cheerdance habang kasunod ang FEU, UP, UST, Ateneo, La Salle, Adamson at NU.
(James Ty III)