INIHAYAG ng abogado ni Mary Christine Jolly, sinasabing misis ni Derek Ramsay, na humihingi ang kanyang kliyente sa aktor ng lump sum support na P48 milyon.
Sinabi ni Atty. Isaiah Asuncion, ang nasabing halaga ay para sa renta ng bahay, dental at edukasyon ng anak nina Jolly at Ramsay hanggang magkolehiyo.
Ang kahilingan ay inilatag ng kampo ni Jolly sa pagharap ng magkabilang panig sa sala ni Makati Assistant City Prosecutor Edwin Dimayacyac
Hindi napigilang itanong ni Dimayacyac kung pina-fast track ng kampo ni Jolly ang hinihinging sustento.
Sa kabilang dako, sinabi ni Atty. Joji Alonso, abogado ni Ramsay, ang lahat ng hinihingi ng kampo ni Jolly ay kanilang sasagutin sa ihahaing counter-affidavit.
Binigyang-diin ng kampo ni Ramsay na kanilang patutunayang ang lahat ng claims ni Jolly ay kasinungalingan.
Nabatid na inakusahan ni Jolly si Derek ng economic at psychological abuse at ayaw aniyang kilalanin ang kanilang anak. Sa pagdinig kamakalawa, hindi nakasipot ang aktor dahil nasa ibang bansa. Sinabi ni Atty. Joji Alonso, wala siyang natanggap na subpoena at nalaman lang na mayroon palang hearing, sa social media.
Kaya imbes sa Agosto 14, ipinagpaliban sa Agosto 20 ang susunod na hearing at inaasahang dadalo na ang aktor. (HNT)