SINIGURO ni Senadora Cynthia Villar na hindi susuportahan ng kanilang Partido Nacionalista (NP) ang ano mang impeachment complaint laban kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Ayon kay Villar, hanggang sa kasalukuyan ay nananatili pa rin ang alyansa ng NP sa Liberal Party (LP) na partido politikal ni Pangulong Aquino at ng NP.
Nagsimula ang alyansa ng dalawang partido noong 2013 senatorial election ngunit walang katiyakan kung ito ay magtutuloy-tuloy hanggang 2016 presidential elections.
Bukod kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas na matunog na pambato ng kasalukuyang adminitrasyon, ay lantaran ding inihayag ni Senate majority Leader Alan Peter Cayetano ang kanyang hangaring tumakbo bilang pangulo sa 2016, at naging matunog din ang pangalan ni Senador Bongbong Marcos.
Binigyang-linaw ni Villar na bagama’t mayroon silang kandidato, inaasahan niyang magiging maayos ang lahat ng sitwasyon bago pa man maging mainit ang laban sa 2016 presidential elections.
Aminado si Villar na hanggang sa kasalukuyan ay wala pang pinal na kandidato ang NP kung sino ang kanilang manok sa 2016.
Ngunit iginagalang nila sa partido ang sino mang naghahayag ng kanilang pagnanais na tumakbo sa 2016 presidential elections.
(NIÑO ACLAN/CYNTHIA MARTIN)