ISINAMA si James Harden ng Houston Rockets sa lineup ng NBA All-Stars na haharap sa Gilas Pilipinas sa The Last HOME Stand na gagawin sa Smart Araneta Coliseum sa Hulyo 22 at 23.
Makakasama ni Harden sina Tyson Chandler at Brandon Jennings sa mga idinagdag sa mga naunang isinama sa lineup ng mga Kano tulad nina Blake Griffin, Paul George, Damian Lillard, Kawhi Leonard, Paul Pierce, DeMar DeRozan, Kyle Lowry at Nick Johnson.
Dalawang beses na bumisita si Harden sa bansa noong isang taon para sa NBA 3×3 at nang ginabayan niya ang Rockets sa 116-96 panalo kontra Indiana Pacers sa pre-season na laro sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sina Harden, Chandler, Griffin, George, Lillard at DeRozan ay kasama sa national pool ng USA Basketball para sa koponang ipapadala ng Estados Unidos sa FIBA World Cup sa Espanya sa Agosto kalaban ang Gilas. (James Ty III)