NAIS ng government prosecutors na makulong na rin sa ordinaryong kulungan sina Sen. Ramon Bong Revilla Jr., at Sen. Jinggoy Estrada, kapwa nahaharap sa kasong plunder bunsod ng pagkakasangkot sa kontrobersiyal na multi-billion peso pork barrel scam.
Kahapon ay inihain ng Office of the Special Prosecutor sa Sandiganbayan ang kahilingan na dapat ilipat sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Camp Bagong Diwa, Taguig sina Estrada at Revilla gayundin si Richard Cambe, mula sa PNP Custodial Center sa Campo Crame.
Bukod dito, nais din ng prosekusyon na ilipat sa BJMP sa Taguig si Janet Lim-Napoles mula sa kanyang kulungan sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna.
Kabilang sa ginamit na dahilan ng government prosecutors ay ang kautusan ng 3rd division ng Sandiganbayan na ikulong ang dating chief of staff ni Sen. Juan Ponce Enrile na si Atty. Gigi Reyes sa Camp Bagong Diwa.
Iginiit ng prosekusyon, dapat walang special treatment kina Estrada, Revilla at Cambe sa PNP Custodial Center, at dapat ay nasa BJMP na rin sila katulad ni Reyes dahil pare-pareho lamang sila ng kinakaharap na kaso.
Umaasa ang prosekusyon na positibo ang magiging tugon ng anti-graft court sa kahilingan na mailipat sa regular na kulungan ang mga senador na sangkot sa multi-billion peso pork barrel scam.
ENRILE PINABORAN NA MANATILI SA OSPITAL
NANINIWALA ang mga doktor ng PNP General Hospital na dapat manatili sa ospital si Senator Juan Ponce Enrile dahil sa iba’t ibang problema sa kalusugan.
Si Enrile ay ilang araw nang nasa hospital arrest.
Ayon sa PNP doctors, si Enrile ay may diabetes, coronary artery disease at hearing problems.
Kailangan din anila ni Enrile nang regular na eye examinations and treatments dahil sa kanyang macular degeneration, isa sa maaaring maging sanhi ng pagkabulag.
Ipinunto rin nilang hindi sapat ang kagamitan ng PNP General Hospital para sa eye treatments ni Enrile kaya kailangan siyang dalhin sa Asian Eye Institute.
Dagdag ng mga doktor, si Enrile ang nagbabayad ng lahat ng kanyang medical expenses batay sa utos ng korte.