PINAGTIBAY ng Malacañang ang desisyon ng Philippine Military Academy (PMA) na pag-dismiss kay dating cadet Aldrin Jeff Cudia, na sumira sa kanyang pag-asang makakuha ng diploma mula sa military academy.
Sa sulat na naka-address sa magulang ni Cudia, may petsang Hulyo 11, sinabi ni Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr., walang basehan para baliktarin ang findings ng military at ng PMA Cadet Review Appeals Board.
“There is no competent evidence to support the claim that the decision of the honor committee members was initially at 8 ‘guilty’ votes and 1 ‘not guilty’ vote,” pahayag ni Chua sa sulat.
Sinabi ni Ochoa, ang nag-iisang affidavit ng officer base sa sinasabing pakikipag-usap niya sa honor committee member ay “hearsay at best.”
Nitong Pebrero, idineklara ng honor committee ng cadets mula sa iba’t ibang class, na guilty si Cudia sa paglabag ng PMA Honor Code makaraan pumasok sa klase nang dalawang minutong late at nagsinungaling sa dahilan nito.
Ang pagsisinungaling ay grave violation ng time-honored code at dismissal ang katumbas nito.