ni Maricris Valdez Nicasio
PARANGALAN ng gold at siver award ang kampanyang Tulong Na, Tabang Na, Tayo Na ng ABS-CBN para sa Advocacy category at Innovative and Integrated Media category sa ginanap na UA&P (University of Asia and the Pacific) Asia-Pacific Tambuli Awards 2014 kamakailan.
Ang Tulong Na, Tabang Na, Tayo Na ay ang malawakang kampanya ng ABS-CBN Corporation upang makalikom ng pondo para sa muling pagbangon ng mga biktima ng Bagyong Yolanda. Bukod sa daan-daang milyong pisong halaga ng cash at in-kind donations, nakapag-organisa ang ABS-CBN ng dalawang sold-out solidarity concerts sa Araneta Coliseum at nakapagbenta ng mahigit sa isang milyong Tulong shirts sa loob lamang ng isang buwan.
Umabot na sa 3,636,475 indibidwal ang naabutan ng relief goods ng Tulong Na, Tabang Na, Tayo na sa pamamagitan ng disaster emergency and rehabilitation arm ng ABS-CBN na Sagip Kapamilya.
Layon ng Sagip Kapamilya na makapagpatayo ng 108 silid-aralan sa Basey, Samar at Dulag, Leyte at mamahagi ng 4,000 bangka sa nasabing mga lugar at maging sa mga kalapit bayan nitong Marabut at Sta. Rita.
Nagsimula ang UA&P Asia-Pacific Tambuli Awards noong 2007 upang kumilala sa mga malilikhaing integrated marketing communications campaign na nagtataguyod ng kabutihan sa lipunan. Ngayong taon ay umabot sa 361 entries mula sa Australia, Bangladesh, India, Japan, Malaysia, Philippines, Singapore, Thailand, at Vietnam ang pinagpilian, ngunit 54 programa lamang nakakuha ng parangal.