ni Maricris Valdez Nicasio
SINUMANG magaling na artista, aminado silang mahirap gampanan ang dalawang magkaibang karakter, sa teleserye man o pelikula. Pero ‘ika nga’y dito masusukat ang galing ng isang aktor.
Kaya naman sa pinakabagong obra ng Dreamscape Entertainment Television ng ABS-CBN, ang Sana Bukas Pa Ang Kahapon muling makikita ang galing ni Bea Alonzo sa pagganap ng dalawang magkaibang papel bilang sina Emmanuelle at Rose.
Si Emmanuelle ay isang abogada na may mabuting loob samantalang si Rose naman ay tagapagmana ng isang malaking kompanya ng tsokolate, na kalaunan ay mapagbibintangan ng isang krimen na hindi niya ginawa.
Sila ang dalawang magkaibang babae na kapwa naghahanap ng hustisya sa pinabakabagong primetime drama series ng ABS-CBN na Sana Bukas Pa Ang Kahapon.
“Magkaibang-magkaiba ‘yung dalawang characters ko. Si Emmanuelle, malakas ang dating at may magandang career pero hirap siya na maging mabuting ina para sa anak niya. Si Rose naman, kahit na lumaki sa yaman ay wala siyang tiwala sa sarili dahil panlalait ng ibang tao sa hitsura niya,” paliwanag ni Bea.
Sinabi pa ni Bea na hindi naging madali para sa kanya na gampanan ang role nina Emmanuelle at Rose. ”Nahirapan talaga ako rito dahil dalawa iyong character ko. But with the help of our directors, mas napadali dahil gina-guide nila ako,” sambit pa ng tinaguriang Movie Queen ng bagong henerasyon.
Kung paano napag-iba ni Bea ang pag-atake sa katauhan nina Emmanuelle at Rose, ‘yun ang dapat pakatutukan. Dito’y tiyak na muli siyang hahangaan dahil sa teaser pa lamang na ipinakita sa unang presscon nito, pinuri na ang galing ng aktres. Habang isinusulat namin ito’y nakatakdang gawin ang screening. Pero, hindi pa man namin napapanood ang ilang episode, nakatitiyak na kaming hindi ito pahuhuli sa mga naunang obra ng Dreamscape Entertainment gayundin sa papalitang teleserye nito na The Legal Wife.
Sa pagganap ni Bea ng dalawang naiibang karakter, patutunayan niyang karapat-dapat ang ibinigay sa kanyang titulo bilang Movie Queen ng bagong henerasyon.
Samantala, malalaman natin kung paano pag-iisahin ng tadhana sina Rose at Emmanuelle na kapwa naghahanap ng hustisya. Kaya bang burahin ng katarungan ang sakit na idinulot ng mga taong umapi sa kanila? Posible bang mapatamis ng tunay na pag-ibig ang lahat ng pait na nasa puso nila?
Bukod kay Bea, tampok sa Sana Bukas Pa Ang Kahapon ang isang powerhouse cast na binubuo ng award-winning actors na sina Paulo Avelino, Dina Bonnevie, Tonton Gutierrez, Maricar Reyes, at Albert Martinez; at ng mga beteranong artista na sinaEddie Garcia, Anita Linda, at Susan Roces para sa kanilang natatanging pagganap.
Kasama rin sa teleserye ang mga Kapamilya child star na sina Miguel Vergara at Ben Isaac; at sina Malou Crisologo, Nikki Valdez, Francis Magundayao, at Michelle Vito. Tampok din sina Bembol Rocco, Chinggoy Alonzo, Christian Vasquez, at Lara Quigaman na mayroong espesyal na partisipasyon. Ito ay sa ilalim ng direksiyon ninaJerome Pobocan at Trina Dayrit.
Ang Sana Bukas Pa Ang Kahapon ay ang pinakabagong obra ng Dreamscape Entertainment Television, ang grupong lumikha ng phenomenal teleserye Walang Hanggan, family drama series na Ina Kapatid Anak, advoca-serye na Huwag Ka Lang Mawawala, romantic-comedy series na My Binondo Girl, at ang kasalukuyang umeere na master teleserye na Ikaw Lamang.
Huwag palampasin ang pagsisimula ng magkaugnay na buhay nina Rose at Emmanuelle sa Sana Bukas Pa Ang Kahapon ngayong Hunyo na sa ABS-CBN Primetime Bida. Para sa karagdagang impormasyon kaugnay ng Sana Bukas Pa Ang Kahapon, bisitahin lamang ang official social media accounts ng programa sa Facebook.com/SBPAK.TV, Twitter.com/SBPAK_TV, at Instagram.com/DreamscapepH.