IKAAPAT na sunod na panalo at patuloy na pangunguna ang hangad ng Talk N Text at defending champion San Mig Coffee sa magkahiwalay na laro sa PLDT Home Telpad PBA Governors Cup mamaya sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Makakaharap ng Tropang Texters ang Globalport sa ganap na 5:45 pm at susundan ito ng laro sa pagitan ng Mixers at Alaska Milk sa ganap na 8 pm.
Kapwa may 4-1 records ang Talk N Text at San Mig Coffee na kasama ng Barangay Ginebra sa itaas ng standings. Ang Aces ay may 2-4 samantalang ang Batang Pier ay may 1-4.
Ang Tropang Texters ay sasandig sa datihang si Paul Harris na humalili kay Rodney Carney. Makakatunggali niya si Dior Lowhorn na pumalit naman kay Leroy Hickerson.
Si Harris ay tutulungan nina Jimmy Alapag, Jayson Castro, Ranidel de Ocampo, Kelly Williams at Larry Fonacier. Katuwang naman ni Lowhorn sina Jay Washington, Alex Cabagnot, Jondan Salvador, Terrence Romeo at RR Garcia.
Matapos na matalo sa San Miguel Beer, 92-90, ang Mixers ay nagposte ng panalo kontra sa Meralco 108-90), Globalport (92-82) at Barangay Ginebra (102-90).
Laban sa Gin Kings ay sumingasing sina Marques Blakey na gumawa ng 34 puntos at Peter June Simon na nagdagdag ng 19 at itinanghal ng Accel-PBA Press Corps Player of the Week.
Ang ibang Mixers na inaasahan ni coach Tim Cone ay sina Marc Pingris, Mark Barroca, Joe de Vance at James Yap.
Ang Alaska Milk ay tinambakan ng Rain Or Shine, 123-72 noong Miyerkoles. Ang 51-puntos na pagkatalo ang ikaapat na pinakamasagwa sa kasaysayan ng PBA.
Iyon din ang ikatlong sunod na kabiguan ng Aces na ngayon ay hawak ni coach Alex Compton. Bago natalo sa Elasto Painters, ang Aces ay pinadapa ng Talk N Text (103-91) at Meralco (88-87).
Ang Aces ay pinamumunuan nina Henry Walker, Cyrus Baguio, Sonny Thoss, JVee Casio, Dondon Hontiveros at Calvin Abueva. (SABRINA PASCUA)