ni Maricris Valdez Nicasio
KAPANSIN-PANSIN ang sobrang pagpapahalaga kay Jasmine Curtis-Smith ng TV5. Paano’y ganoon na lamang ang laki at paghahandang ginagawa sa mga show na ibinibigay sa nakababatang kapatid ni Anne Curtis.Tulad ng SpinNation na naka-tie-up sa Smart Communications, ganoon din ang ginawa sa JasMine na naka-tie-up/collaborate naman sila sa isa sa nangungunang advertising leader na Ace Saatchi & Saarchi.
Dream project nga raw itong JasMine kung ituring dahil ang Ace Saatchi & Saatchi pa ang bumuo ng konsepto at creative content ng love mystery drama na ito. At ang commercial and film production studio na Unitel Entertainment naman ang line producer.
O ‘di bongga?! Ito’y para matiyak na magiging maganda at kakaiba ang seryeng ihahatid ng TV5.
Sa June 1 na ito mapapanood na gaganap si Jasmine sa isang fictional version ng kanyang sarili at ang kuwento ng kanyang pagsikat bilang mainstream star ng TV5. Sisimulan niya ito sa pag-audition sa flagship project ng network na URLoved, ngunit makakalaban niya ang iba pang mga primetime princesses ng TV5. Worse, magkakaroon si Jasmine ng stalker (Maskara) na bukod sa pagiging obsessed ay possessive rin at maabilidad sa pagsunod sa bawat galaw ng aktres.
Kasama ni Jasmine sa kauna-unahang TV series within a TV series na ito sina Carlo Orosa, Justine Pena, Marvelous Alejo, Nicole Estrada, Cai Cortez, at Alwyn Uytingco. Pag-aagawan si Jasmine rito ng tatlong nagguguwapuhang binata na sina Vin Abrenica, Gerard Sison, at Matthew Padilla.
Sa kabilang banda, kakaibang viewing experience naman ang hatid ng TV5 App na mas maghahalo ang mundo ng fiction at reality. Sa pamamagitan ng app na ito, makatatawid ang mga manonood sa mundo ni Jasmine dahil sa mga exclusive content, never before seen videos, behind the scene photos, at character profiles, clues, show extensions, at special live streaming. Maaari ring manalo ang mga viewer ng mga naglalakihang papremyo gamit ang app.
Kaya samahan si Jasmine sa pagtuklas ng tunay na katauhan sa likod ni Maskara sa JasMine, sa Linggo, June 1, 9:15 p.m. sa TV5.