ni Maricris Valdez Nicasio
GAANO katotoo ang nakuha naming balita na posibleng mawala on air o walang mapanood na mga balita o show mula sa News and Current Affairs ng GMA kapag natuloy ang binabalak na pag-aaklas ng mga ito?
Ang pag-aaklas ay bunsod umano sa kawalan ng suportang natatanggap ang mga empleado mula sa Finance Deparment ng Kapuso Network. Ito ay may kinalaman sa ipinatutupad ng Bureau of Internal Revenue na pagbibigay ng resibo or O.R. sa tuwing kukuha ng talent fee ang mga empleadong nagtatrabaho sa network.
Bago kasi makakuha ng resibo, kailangang ayusin muna ito mula sa BIR. Balitang sila mismo o ang mga empleado ang kumukuha nito samantalang sa ibang network daw kasi tulad ng ABS-CBN2, mismong ang pamunuan o ang Finance Department na ang nag-aasikaso para hindi na mahirapan o maging malaking balakid sa kanilang mga empleado.
Gaano rin katotoo na ang gagawing pag-aaklas ay may blessings umano ni Mike Enriquez, isa sa may mataas na katungkulan sa News and Current Affairs ng Siete?
Kaya huwag na raw magtaka kung isang araw, walang mapanood na mga palabas mula sa News and Current Affairs ng GMA.
Bukod dito, tila marami na rind aw ang gustong umalis sa GMA at lumipat sa ibang estasyon dahil hindi na raw maganda ang pamamalakad sa Kapuso Network? Hmmm gaano ito katotoo?
Bukas ang aming pahina sa anumang reaksiyon mula sa pamunuan ng GMA.