Maricris Valdez Nicasio
MADALAS naming isulat kung gaano kabait si Coco Martin. Siya ang tipo ng artistang hindi nakalilimot sa pinanggalingan. At hindi tinatalikuran ang mga taong nakatulong sa kanya lalo na noong walang-wala siya.
Kaya naman hindi kataka-taka kung bumuhos ang tulong sa aktor sa pelikula nila ni Sarah Geronimo mula Star Cinema at Viva Films, ang Maybe This Time na idinirehe ni Jerry Sineneng.
Nabalitaan naming lahat ng ineendosong produkto ni Coco ay nagbigay ng tulong para mai-promote ng maayos ang pelikula. Nariyan ang naglalakihang billboard sa Metro Manila, print ads, at pagpapalabas ng trailer ng pelikula.
Marami rin ang nagpahayag ng suporta para sa block screening ng Maybe This Time at ngayong gabi, dalawang sinehan ang paglalabasan nito sa SM Megamall para sa advance screening.
Pero bago pala natapos ang pelikulang ito’y pinagtulungan din ng mga top notch director ng Star Cinema at ABS-CBN para matiyak na talagang maganda ang produktong ihahandog nina Sarah at Coco. Balita nami’y nagbigay ng tulong o nakasubaybay sina Direk Cathy Garcia-Molina, Direk Olive Lamasan at iba pang box office director ng Star Cinema. Talagang tiniyak daw ng Star Cinema na magugustuhan ng publiko ang istoryang ipakikita nina Coco at Sarah.
Hindi rin pinabayaan ang script nito at dumaan sa masusing pag-aaral ng magagaling na script writer ng Star Cinema. Alam naman natin na basta Star Cinema, de-kalidad na pelikula ang ibinibigay nila sa publiko.
Kaya nga kung nag-enjoy na ang publiko sa mga naunang teaser na ipinakita na mayroong mga nakatutuwang palitan ng linya sina Coco at Sarah tulad ng, There was never an us, patikim lamang daw ito dahil mas marami pa at mas malalim na eksena ang matutunghayan sa Maybe This Time. Kung sa mga serye’y nag-eenjoy na kayo sa galing ng pag-arte ni Coco, rito sa pelikulang ito’y mas tiyak na hahangaan ninyo ang aktor gayundin si Sarah na nag-iba ng tema ng pag-arte
Kung ano ang tinutukoy nami’y go na po tayo sa mga sinehan dahil hindi kayo mabibigo kung magandang istorya ang hanap ninyo bukod pa sa magandang samahan ng dalawa gayundin ang magaling nilang pag-arte. Bukod pa sa napakalakas daw ng chemistry ng dalawang ito kaya naman lumabas na napakaganda ng Maybe This Time.
Palabas na sa mga sinehan ang Maybe This Time ngayong Miyerkoles, Mayo 28.