NAKAAALARMA na talaga ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga namamatay na mediaman sa ilalim ng administrasyon ni PNoy. Kahapon lang, isang broadcaster sa Digos City na si Samuel Oliverio ng Radyo Ukay ang binaril sa ulo at napatay. Tsk tsk.
Sa huling tala ng PNP, 27 na ang journalists na itinumba sa panahon ni Noy. Ika-28 na si Sammy. Ayon kay Pete Lavina na editor ng Caraga Standard at manunumbalik na miyembro ng National Press Club, isang hard-hitting commentator si Oliverio gaya ng kanyang nakatatandang kapatid na sumikat noong dekada 80.
Nakapapangamba na mas mabilis pang dumarami ang bilang ng mga pinapatay na mamamahayag sa ilalim ni PNoy kaysa bilang ng mga kasong nareresolba. Wala na nga yata talagang pag-asang masolusyonan ang problemang ito dahil bakla ang kampanya ng gobyerno laban dito. Sa totoo lang, sa palagay ko ay magiging pinakamarami ang journalist na mamamatay sa ilalim ng panunungkulan ni Pnoy base sa kanyang record. Mula June 30, 2010 hanggang ngayon, pumapatak na 7 mediaman ang pinapatay kada taon. Anak ng pitumpu’t pitong kuba naman, Mr. President!
Kung hindi ito masasawata at kung patuloy na magiging MANHID ang gobyerno ni Aquino sa isyung ito, malamang na tanghalin siyang MOST DANGEROUS PRESIDENT FOR JOURNALISTS IN THE WORLD!
Tandaan po ninyo ito, mga kanayon, kapag may isa pang bumulagtang kapatid natin sa hanapbuhay, iyan ang titulong itatak natin sa kanya. Para matauhan at madala.
Nakahihiya nang masyado ang Pinas sa mata ng international community. Bagama’t ipinagyayabang ng administrasyon ang pag-angat ng ekonomiya dahil sa umano’y anti-corruption drive, patuloy namang nalalagas ang mamamayan, hindi lamang mga mamamahayag.
Bakit malawakan ang krimen ngayon? Dahil maraming nagugutom at walang hanapbuhay. E nakanino ang YAMAN ng bansa? E di nasa iilan lang!
At hindi po tayo kasama sa mga nabiyayaan.
Joel M. Sy Egco