ni Maricris Valdez Nicasio
KAHANGA-HANGA ang isang Kuh Ledesma na bukod sa napakagaling na mang-aawit, magaling din pala siyang pintor. Ibinahagi sa amin ito ni Kuh sa isang masaganang pananghalian at ibinalitang ibinalik na niya ang isa pang talent na ibinigay sa kanya ng Diyos, ang pagpipinta.Bata pa man ay hilig na ni Kuh ang pagpipinta subalit hindi niya iyon napagyaman dahil naging abala siya sa pag-aaral at pagkanta. At nang muling mabigyang pagkakataong maipakita muli ang talent sa pagpipinta, hindi na iyon pinalampas pa ni Kuh.
Sa ikalawang pagkakataon, umaasa si Kuh na magiging matagumpay ang ikalawang painting exhibit, ang The Beauty of Purpose sa Abril 8 sa Whitespace Makati na ang malilikom na pondo ay gagamitin para gawin ang isang independent film, ang Hilom na batay sa tunay na mga kuwento.
“Umaasa ako na ang pelikulang ito ang maglalantad ng panganib sa mga naniniwala sa albularyo o quack doctors. Imbes, dapat na maniwala sa kapangyarihan ng pangalan ni Jesus at sa panalangin,” giit ni Kuh.
Ang mensahe ng mga ipininta ni Kuh ay nagpapatunay na nais niyang ipalaganap ang power of healing gayundin ang Biblia. Ang cellos sa kanyang mga painting ay kumakatawan sa Awit 95:2 na ibig sabihin ay “Lumapit tayo sa kanyang harapan na may pagpapasalamat, tayo’y sumigaw ng may kagalakan sa kanya ng mga awit ng pagpupuri.”
Habang kahanga-hanga rin ang kanyang mga likhang sining ng mga vine at branch nito. Ang inspirasyon ay nagmula sa John 15:5, “Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin at ako’y sa kanya ay siyang nagbubunga ng marami. Sapagkat kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa.”
“Ang pagiging isang bible believer at disipulo ni Jesus ay aking napagtanto na dapat bigyan natin ng glorya ang Panginoon sa lahat ng ating ginagawa—‘yan ang kagandahan ng ating purpose sa mga talentong ibinibigay sa ating ng Diyos pati sa mga araw na idinaragdag niya sa buhay natin,” paliwanag ni Kuh na mas naging maligaya ang buhay niya simula nang makilala ang Panginoon.
“Sa paglipas ng mga taon natutuhan ko na hindi mabuti para sa atin na kalimutan ang ating mga talent. May dahilan kung ano man ang ibinigay ng Diyos sa atin. Ang mahalaga ay mabigyan natin siya ng glorya,” dagdag pa ni Kuh.
Pagkatapos ng exhibit ni Kuhm magiging abala naman siya sa kanyang Glorious Saturday inspirational concert, ang Amazing Love sa Hacienca Isabella, sa Bgy. Carasuchi, Indang Cavite. Ito ay espesyal na handog ng Hacienda Isabella ngayong Holyweek na bukod sa konsiyerto ay mayroon ding Bible Classes, Inspirational Talks, at film showing. Kasama ni Kuh sa espesyal na concert na ito ang kanyang talented na anak na si Isabella at ang bagong singer na si Jane Joseph.
Sa kabilang banda, kinilala naman ang husay sa pagganap ni Kuh ng Colegio de San Juan de Letran at binigyan ng award bilang Best Ensemble Performance sa My Husband’s Lover.
Para sa adisyonal na impormasyon ukol kay Kuh o sa Hacienda Isabella, tumawag sa 5310688, 6252453.