ni Maricris Valdez Nicasio
ISANG text ang natanggap namin mula sa Dreamscape Entertainment Television publicity head na si Eric John Salut na nagbabalitang, isinugod sa tatlong ospital ang bida ng teleseryeng Dyesebel na si Anne Curtis ng ABS-CBN2.
Ani Eric John, kinailangang itakbo ng ospital si Anne matapos itong madikit sa jellyfish habang nagte-taping ng fantasy series ng Dyesebel.
Aniya, dinala si Anne sa mga ospital sa San Juan at Lipa Batangas pero itinakbo rin sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City, para i-confine ang actress/TV host.
“Super rashes all over her body and in pain,” pagbabalita pa ni Eric John ukol sa kalagayan ni Anne.
Samantala, pinakatutukang TV program sa buong bansa ang Dyesebel noong Martes (Abril 1) dahil sa pag-aabang ng buong bayan kay Anne. Base sa datos ng Kantar Media, nanguna sa listahan ng most watched TV shows sa bansa ang Dyesebel taglay ang national TV rating na 32.8%, o 16 puntos na kalamangan kompara sa katapat nitong programa sa GMA na Kambal Sirena na nakakuha lamang ng 16.7%.
Bukod kay Anne, inabangan din ng TV viewers ang unang paglabas sa programa nina Gerald Anderson, Andi Eigenmann, at Sam Milby. Sa parehong gabi rin itinampok sa Dyesebel ang paglulunsad sa kauna-unahang teleserye theme song ng Broadway Diva na si Lea Salonga, ang Tangi Kong Kailangan na inawit niya sa saliw ng ABS-CBN Philharmonic Orchestra. Isinult naman ito nina Francis at Carla Concio.
Abangan ang iba’t ibang pagbabago sa buhay nina Dyesebel, Fredo (Gerald), Betty (Andi), at Liro (Sam) sa pagku-krus ng kanilang mga landas at sa pagtuklas nila sa mundo ng mga sirena at mga tao.