IKINULONG na sa National Bureau of Investigation (NBI) detention facility sa San Fernando City, Pampanga ang negosyanteng si Delfin Lee na nahaharap sa kasong P7 bilyon syndicated estafa.
Batay sa commitment order ng korte, doon muna mamamalagi si Lee hangga’t hindi nareresolba ang usapin sa mosyon ng kanyang kampo.
Nauna rito, hindi pinayagan ng korte ang hiling ng kampo ng negosyante na makapag-piyansa. Giit ng kanyang abogado na si Atty. Gilbert Repizo, wala nang bisa ang warrant of arrest laban sa kanyang kliyente kaya hindi maaaring ikulong o i-hold ng mga awtoridad si Lee.
Mananatili si Lee sa NBI habang nakabinbin ang nasabing mosyon dahil humiling pa ng limang araw ang prosekusyon para makapagkomento.
Sinabi ni Judge Edgardo Chua, wala pa rin resolusyon kaugnay ng legalidad ng pag-aresto ng Manila Police District (MPD) at Task Force Tugis kay Lee nitong Huwebes ng gabi dahil kanila pa itong pinag-aaralan.
Una nang sinabi ni Senior Supt. Joel Coronel, kinilala ng korte ang pag-aresto nila sa Globe Asiatique head matapos tanggapin ang return of warrant of arrest kahapon ng umaga. (HNT)