SINASABING na-withdraw na ni Janet Lim Napoles at naitago ang mga laman ng kanyang bank accounts bago pa man mag-isyu ng freeze order ang Court of Appeals (CA) sa Manila Regional Trial Court.
Ayon sa ulat, mas maliit na ang halaga ng bank accounts ni Napoles mula sa kanyang P10 billion pork barrel transactions.
Sa 11 bank accounts na hawak ng Anti Money Laundering Council (AMLC), pito ang nakapangalan kay Janet Napoles habang ang iba ay joint accounts.
Umaabot sa $542,442 o nasa mahigit P24.27 million ang nasa pangalan ni Napoles at ang nasa peso account ay umaabot sa P1.30 million.
Gagawin ang pagdinig sa Marso 7 at pagdedesisyonan kung itutuloy pa ang freeze order sa ari-arian ni Napoles at iba pang dawit sa pork barrel anomaly.
DE LIMA KOMPYANSANG KAKANTA SI NAPOLES
INIHAYAG ni Justice Secretary Leila de Lima na hindi pa rin sila nawawalan ng pag-asa na maaaring bumaliktad para maging state witness si Janet Lim-Napoles, ang sinasabing principal suspect sa kontrobersyal na pork barrel scam at Malampaya fund scam.
Sinabi ni De Lima, malaki ang maitutulong ni Napoles upang mapagtibay pa ang kaso laban sa mga dawit sa anomalya lalo na’t hindi lahat ng mga mambabatas ay dumaan sa NGO ng negosyante o dumaan sa transaksyon sa mga whistleblower.
Ayon kay De Lima, batay sa testimonya ng mga testigo, ilang mga mambabatas ang direktang nakipagtransaksyon kay Mrs. Napoless.
Aniya, tanging si Napoles lamang ang makapagsasabi nang katotohanan.
Kaugnay nito, tutol ang kalihim na ilipat ng ordinaryong kulungan si Napoles lalo na’t posible pa rin aniyang magsabi ng katotohanan.
“Meron po kaming expectation na magsalita siya in the near future. Huwag na ho muna tayo magmadali ngayon,” ani De Lima. (HNT)