MALAPIT na ang pagpasok ng Blackwater Sports bilang ika-11 na miyembro ng Philippine Basketball Association.
Nakipagpulong ang team owner ng Blackwater na si Dioceldo Sy kay Komisyuner Chito Salud, Tserman Ramon Segismundo at media bureau chief Willie Marcial noong isang gabi sa isang restaurant sa Lungsod ng Quezon tungkol sa pagnanais ng Elite na makapasok sa liga bilang expansion team.
Naisumite na kahapon ni Sy ang nasabing letter of intent para makapasok ang kanyang kompanya sa liga at pag-uusapan ito sa board meeting ng PBA sa Marso 6.
“It was an informal meeting pero I think they already accepted us (our application). Kilala naman nila tayo eh. Alam nila na we can run a team,” ani Sy. “And we will not be a farm team. I have my credibility to protect.”
Bukod sa Blackwater, may intensiyon din ang North Luzon Expressway na sumali sa PBA.
Parehong galing sa PBA D League ang dalawang kompanya.
“Pinag-usapan nga (noong Miyerkoles) but it has to go through the approval process,” ani NLEX team owner Manny V. Pangilinan. “Kailangang pag-isipan pa. Nasa PBA na rin ‘yun.”
Natuwa si Segismundo sa intensiyon ng Blackwater at NLEX na pumasok sa PBA.
“This is very good news for PBA fans, our basketball nation, and our best basketball players who will now be afforded more opportunities,” ani Segismundo.
Samantala, sang-ayon ang team owners ng Rain or Shine na sina Raymond Yu at Terry Que sa pagpasok ng Blackwater sa PBA.
“Dioceldo (Sy) is a good friend of ours and we played against them in the PBL. But they have to go through the board. We know he is passionate about basketball like us,” ani Yu. (James Ty III)