GAME na game talaga si Marc Pingris!
Ito’y kitang-kita sa kanyang performance sa Game Five ng Finals sa pagitan ng San Mig Coffee at Rain Or Shine noong Linggo kung saan gumawa siya ng 18 puntos. Sayang nga lang at natalo ang Mixers, 81-74 at nabigong tapusin na ang serye.
Habang sinusulat ang kolum na ito ay inilalaro ang Game Six.
Sa totoo lang, ang paglalaro ni Pingris ay taliwas sa ipinayo sa kanya ng manggagamot.
Kasi nga, sinabihan siya na ipahinga muna ang kanang mata na tinamaan ni JR Quinahan sa isang rebound play sa third quarter ng Game Four. Magugunitang hindi na nakapaglaro pa si Pingris matapos ang insidenteng iyon pero nagawa ng Mixers na magwagi, 93-90 para sa 3-1 na bentahe sa serye.
Binendahan ang kanang mata ni Pigris na naupo na lamang sa bench, Ito’y upang maiwasan na maimpeksyon pa ang mata.
Matapos ang laro ay sinuri ang mata at napag-alaman na nagkaroon ng scratch ang pupil nito. Kailangang ipahinga o kaya ay magsuot ng maskara si Pingris sa mga susunod na laro.
Pero hindi niya ito ginawa. Sa halip ay nilalagyan na lang niya ng anaesthesia ang mata habang naglalaro. Kapag natuyo, pinapatakan ulit ng anaesthesia. Medyo mahapdi sa umpisa iyon pero tinitiis ni Pingris upang patuloy siyang makapaglaro.
At gaya nga ng nasabi natin, nabale-wala ang lahat dahil natalo sila.
Pero okay lang kay Pingris iyon. Ang mahalaga ay pinilit niyang tulungan ang kanyang koponan.
Kung naiba si Pingris, baka hindi na siya naglaro at hinayaan na lang ang kanyang mga kakampi na magtrabaho.
Pero iba talaga ang puso ni Marc, e.
Kaya mahal siya ng mga fans!
Sabrina Pascua