BUTUAN CITY – Pinangangambahan ng mga residente ang sinasabing pagkalat ng mga buwaya sa anim na bayan sa lalawigan ng Agusan del Sur, na nagmula sa umapaw na Agusan Marsh dahil sa pagbaha dulot ng ilang araw ng pag-ulan.
Ayon kay Bunawan, Agusan del Sur Mayor Edwin “Cox” Elorde, aabot sa 56,000 ektarya ang area na cover ng marshland mula sa bayan ng La Paz, Loreto, San Francisco, Rosario, Talacogon hanggang sa Bunawan.
Napag-alaman, sa nasabing bayan nakuha ang pinakamalaking buwaya sa buong mundo at doon din nakita ang isa pa na mas malaki pa kaysa sa namatay na si “Lolong.”
Dagdag pa ng opisyal, isang higanteng anaconda rin ang nakita ng mga residente ng Brgy. Nueva Era na ang katawan ay sinlaki ng galon ng mineral water na ikinakabit sa water dispenser, ngunit hindi nila ito inisturbo dahil sa takot na posibleng mag-amok pa ito at gambalain sila.
Inihayag pa ng mga residente, bago ang pagbaha ay napansin na nila sa paligid ng Brgy. Nueva Era ang malakas na huni ng ahas na posibleng senyales na naisturbo na ito dahil sa pagtaas ng tubig-baha.