Ipinagtanggol ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang anak na si Sen. Jinggoy Estrada sa pagbibigay ng P100-milyon priority development assistance fund (PDAF) sa lokal na pamahalaan ng Maynila.
Iginiit ni Erap na bukod sa Maynila, nakatanggap din ng P100 milyong pondo ang Caloocan City at isang lungsod sa Leyte na naapektohan ng kalamidad mula sa realignment ng pork barrel ni Jinggoy.
Paliwanag niya, napagkasunduan ng mga senador ang pag-a-allocate ng kani-kanilang pork barrel at transparent naman ang ginawang realignment sa pondo.
“‘Yun ay pinag-usapan ng mga senador na pwede na silang mag-allocate. Ang ginawa ni Jinggoy, transparent, in-allocate sa tatlong lungsod sa Caloocan, sa Maynila at isang bayan sa Leyte na biktima ng kalamidad,” ani Erap.
Paglilinaw ng alkalde, hindi inilaan sa Maynila ang pondo dahil siya ang ama ni Jinggoy kundi lumitaw sa pag-aaral ng mga taga-University of the Philippines (UP) na may “highest level of poverty incidence” ang lungsod.
“Wala naman masama kung ang lungsod ng Maynila ay tulungan n’ya, nagkataon lang na ako ang mayor ng Maynila, hindi dahil sa ako ang ama niya kaya gusto nyang tumulong sa Maynila. Nakita naman niya ang kalagayan ng Maynila.”
Sinabi ng dating pangulo na bukod sa maraming mahihirap, bangkarote at maraming pagkakautang siyang minana mula sa nakaraang administrasyon.