HINDI basta maniniwala ang Malacanang sa pahayag ni Atty. Lorna Kapunan na may diperensya na sa pag-iisip ang kliyente niyang pangunahing akusado sa P10-B pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles bunsod nang pagkakapiit nang mag-isa sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna.
“If a motion is filed in court to that effect, we will meet it also in court and, siyempre, ‘yung basehan ho nila ite-check din ho ng gobyerno iyan. Hindi naman po natin tatanggapin… We will not take their word for it, certainly,” ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte,
Nauna nang sinabi ni Kapunan na nagsasalita nang mag-isa si Napoles kaya hinihiling nilang may makasama siya sa detention cell.
Giit ni Valte, bahala na ang hukuman na magpasya kung kaninong panig ang kakatigan kapag sinagot na ng government prosecutors ang naturang hirit ng kampo ni Napoles.
Magugunitang iniutos ng korte na ilipat si Napoles sa Fort Sto. Domingo mula sa Makati City Jail dahil sa panganib sa kanyang buhay bunsod ng nalalaman niya sa P10-B pork barrel scam.
Bukod sa kasong serious illegal detention, si Napoles ay sinampahan din ng kasong plunder ng Department of Justice (DOJ) kasama sina Senators. Juan Ponce-Enrile, Bong Revilla, Jinggoy Estrada at iba pang personalidad kaugnay sa P10-B pork barrel scam.
(ROSE NOVENARIO)