Wala nang kompiyansa ang economic team ng administrasyong Aquino kapwa sa pahayag ni Department of Agriculture (DA) Sec. Proceso Alcala na sapat ang suplay ng bigas para sa taon ito at sa naiulat na planong pag-aangkat ng DA ng 100,000 metriko toneladang bigas, pagsisiwala nitong Martes ng abogadong si Argee Guevarra.
“Bistado na, mabuti pang umamin nalang sila,” ayon kay Guevarra na tumutukoy sa Setyembre 2013 Memorandum for the President ng National Economic Development Authority (NEDA) na nilagdaan ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan, “isang dokumentong malinaw at walang dudang nagpapasinungaling sa mga pahayag ng DA at NFA.”
Bilang pagtatanggol sa mga datos ng kanyang ahensya, maaalalang iginiit ni Alcala na magkakaroon ng pangkabuuang kasapatan sa suplay ng bigas sa taong ito.
Ngunit sa kabila ng mga pahayag ng kalihim, nitong linggo lamang ay naibalita ang binabalak na pag-aangkat ng NFA ng panibagong 100,000 MT ng ng bigas, umano’y para kontrahin ang manipulasyon ng mga kartel sa presyo ng bigas.
“Magkakakontra ang pahayag ni Alcala at ng kanyang mga kampon na ngayo’y naibunyag na pawang kasinungalingang hinabi at ikinalat para sa interes lamang ng iilan, kontra sa ikabubuti ng bayan,” paratang ng abogado.
Pagbabanggit sa ‘nilalaman’ ng memorandum, idinagdag ni Guevarra na “isama man ang kasalukuyang imbentaryo, kukulangin pa rin ang suplay ng bigas sa taong ito nang mula 2.2 milyong MT para sa 15-araw buffer stock ng 456,000 MT at 2.6 milyong MT para sa 30-araw na buffer stock ng 912,000 MT.”
“Ipinapaliwanag nito ang hindi maipaliwanag ni Alcala. Ipinapaliwanag nito kung bakit patuloy ang pagtaas ng presyo ng bigas nitong mga nakalipas na buwan. Kulang ang bigas, gano’n lang kasimple,” dagdag niya.
TAMA SI RECIDE
Sa magkatuwang na pagdinig ng House committee on agriculture at ng House committee on food security, inamin ni Assistant Secretary Romeo Recide ng Bureau of Agricultural Statistics (BAS) director na hindi maaabot ng DA ang target sa produksyon ng bigas tungo sa self-sufficiency ng bansa ngayon taon.
Pagkatapos ng nasabing pagdinig sa kamara, panay ang tanggi ni Alcala at sinabing mali ang inihayag ni Recide sa mga mambabatas.
“Hindi nagkamali si Recide, nagsisinungaling si Alcala,” giit ni Guevarra. “Tugmang-tugma ang mga numero at datos ng BAS at ng NEDA na nagsasabing ang mga kakulangan sa produksyon ng bansa ay mula sa kalahating milyong MT hanggang 1.4 milyong MT.”
Kung totoo, maliwanag sa mga numerong ito kung bakit pasikretong pinagpaplanohan ng NFA ang pag-angkat ng karagdagang 100,000 MT ng bigas sa paraan ng government-to-government (G2G) transaction.
“Ayan na naman sila! Bakit ba nila pinagpipilitang gawin ang importasyon ng bigas sa pamamagitan ng mga maaanomalyang G2G transaction? Sino pang naniniwala sa kanila?” ayon sa abogado.
Nauna nang naipaulat na ang importasyong G2G ng DA at NFA noong Abril ay overpriced nang halos P457 milyon.
Ang ekonomista at dating Agriculture Undersecretary na si Balisacan ay nagsalita na noon pa man laban sa pakikialam ng pamahalaan sa importasyon ng bigas dahil nagiging daan lamang raw ito sa mas malaking katiwalian.
“Isang katotohanang kitang-kita natin ngayon,” ayon kay Guevara.
HATAW News Team