MALAKI ang paniniwala ni Sen. Miriam Defensor Santiago na posibleng ipapatay ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile o ng iba pang sangkot sa pork barrel scam ang itinuturong utak na si Janet Lim Napoles.
Sinabi ng senadora na dahil desperado na ngayon si Enrile, hindi malayong manganib ang buhay ni Napoles na siyang siguradong makapagdidiin sa mga sangkot.
Kaya naman isinusulong niya na ngayon pa lang, kunin na ang testimonya si Napoles o ang tinatawag na “perpetration of testimony.”
Ipinaliwanag niyang sa ganitong sistema parang nasa korte rin ang testigo kung saan naroroon ang abogado ng magkabilang panig at kinatawan ng huwes at stenographer, may ginagawang direct at cross examination at nilalagdaan ang transcript ng testimonya.
Ang ipinagkaiba lang aniya ng “perpetration of testimony” sa aktwal na pagdinig ay hindi ito ginagawa sa loob ng korte kundi sa kulungan.
Ito aniya ay dapat gawin para sakaling mamatay si Napoles, may maiiwan siyang testimonya.
Nauunawaan naman ni Sen. Miriam kung bakit hindi pa ito ginagawa ngayon ni Napoles dahil aniya, posibleng nakikipag-bargain pa ang kampo nila para makabenepisyo rin kagaya na lang ng pagkakaroon ng “mitigating circumstances” sa magiging hatol.
“Posible, e natural ‘pag patay na ang tao, wala nang masabi,” ani Santiago. “Kaya noon sinabi ko gumawa ng hakbang sa ilalim ng rules of court na kung malagay sa panganib ang isang testigo na napakahalaga sa isang kaso, dapat ay kunin na ang kanyang testimonya. ‘Yan ang tinatawag na perpetration of testimony.”
HATAW News Team