KABUNTOT ng mga pagtitiyak ng Department of Agriculture (DA) ukol sa pagtatag ng presyo ng bigas pagkalipas ng tagsalat sa ani nito at ng mga pahayag ng National Food Authority (NFA) na sapat ang imbak nilang palay, pinagpapaliwanag sila ni Senator Loren Legarda kung bakit hindi bumababa ang presyo nito.
“Ang sabi ni NFA Administrator Orlan Calayag noong isang linggo, ‘ang imbentaryo ng NFA ngayon ay mas malaki kung ikokompara noong kaparehong panahon noong isang taon kaya wala kaming nakikinitang kakulangan nito,’ pero hanggang ngayon walang indikasyon ng magandang epekto sa presyo ng bigas” ayon kay Legarda. “Bakit talaga despite the buffer stock, despite na mas maliit ngayon iyong epekto sa climate change sa bigas, ay tumataas ang presyo?”
RICE PRICE HIKE HIGIT NA MATAAS NGAYON 2013
Isinapubliko rin ni Legarda ang ulat ng Bureau of Agricultural Statistics (BAS) na nagpapakita na ang presyong tingi ng bigas ay mas mahal nang halos apat na piso sa presyo nito noong isang taon. P32.40 lamang ang presyo ng regular milled na bigas noong 2012 samantala P36.10 ang kasalukuyang presyo nito. Sinabi rin ng ahensya na kung ang tingi ng well milled rice ng 2012 ay P35.60 lamang, ito ay umaabot na sa P39.20 ngayon sa mga pamilihan.
“Tingnan ninyo ang takbo ng presyohan ng tinging bigas ng nagdaang taon, ang regular milled at well milled rice ay bahagyang tumaas, gaya ng inaasahan, sa kasagsagan ng tagsalat sa ani noong isang taon at nanumbalik sa dating presyo pagkatapos nito. Ngayon, bukod sa higit na mas malaki ang itinaas ng tingiang presyo sa kaparehong panahon, hindi pa bumaba sa nakatakda at inaasahang pagkakataon,” paliwanag ni Legarda.
Noong 2012, ang tingiang presyo ng bigas na regular at well milled ay hindi gaanong gumalaw ayon sa datos na makikita sa BAS website. Sa mga buwang tagsalat ang ani ng palay, nabili ang regular milled rice mula P32.20 kada kilo noong Hunyo 2012 at tumaas hanggang P32.50 lamang pagdating ng Agosto 2012. Sa kaparehong panahon, ang well-milled rice ay P35.30 lamang (Hunyo 2012) at ang pinakamataas na bilihan ay umabot lamang sa P35.70 pagdating ng Agosto ng nagdaang taon.
Ibang klase sabi ni Legarda ang presyo ng bigas ngayong 2013.
“Nakababahala ang presyo ng bigas ngayong taon,” anang mambabatas. “Nagliparan ngayon ang presyo ng bigas. Mula Hunyo hanggang patapos na ang Setyembre, aba’y mag-aapat na piso na halos ang itinaas ng tinging bigas.”
“Bawat sentimo’y mahalaga para sa marami sa ating mga kababayang nagdarahop kung kaya’t bawat pisong karagdagan sa presyo ng bigas ay panibagong dagdag-pabigat sa kanilang hindi na dapat pinagpapapasan,” hinaing ng Senadora.
Aniya, sinasalungat ng presyo ng bigas ngayon ang mga pahayag ng DA at NFA na sapat ang imbentaryo nila. “Kitang-kita naman sa paggalaw ng presyo sa mga palengke kung totoong sapat ang suplay ng bigas dahil ito ang pinakamabisang batayan kung talagang may kasapatan ito. Hanggang nananatili itong mahal kagaya ngayon, kailangan nating singilin ang DA at NFA. Dapat gumalaw naman sila.”
HATAW News Team