ABUSADO, walang galang at hindi propesyonal ang dalawang opisyal ng Philippine Sports Commission (PSC) dahil sa ipinaiiral nilang diskriminasyon sa mga miyembro ng media na regular na nagko-cover sa kanilang press conference.
Inihayag ito ni Alab ng Mamamahayag (ALAM) national chairman Jerry Yap, matapos matanggap ang liham ng reklamo ni Danny Simon, sports reporter, laban kina PSC Chairman Ricardo Garcia at Commissioner Joe Luis Gomez na hayagang nagpakita ng diskriminasyon sa tabloid reporters.
Sa liham-reklamo ni Danny Simon, reporter ng Police Files Tonite, isang tabloid na may pangkalahatang sirkulasyon sa bansa, hindi lamang siya ang nakararanas ng harassment at panggigipit sa pamunuan ng PSC.
Aniya, mismong sina Garcia at Gomez ang tahasang bumalewala sa mga sports reporter na nakatalaga sa coverage ng PSC.
Nitong nakaraang Biyernes, Setyembre 20, hindi pinapasok sa isang press conference si Simon at ilan pang reporter ng tabloid sa hindi malamang dahilan sa PSC.
Napahiya sina Simon at ang iba pang tabloid reporter matapos silang pagbawalan nina Garcia at Gomez na mag-cover sa nasabing press conference.
“Ano ang itinatago nina Garcia at Gomez bakit pinagbawalan nilang mag-cover ang tabloid sports reporters?”
“Kung diskriminasyon ang dahilan kaya hindi pinapasok si Simon at ilan pang tabloid reporters sa press conference, mukhang mayroong sapot at agiw sa utak sina Garcia at Gomez dahil hindi dapat ganito ang maging attitude nila sa mga taga-media, kinatawan man ng tabloid, broadsheet o malaking television network,” anang dating pangulo ng National Press Club (NPC).
Inilinaw din ni Yap, “hindi lamang televison at broadsheet newspaper ang daluyan ng balita sa bansa at mas maraming tao ang bumabasa ng tabloid. Baka nalilimutan nina Garcia at Gomez na 92% ng populasyon ay masang Filipino at ang natitirang 8% lamang ang kumakatawan sa elite class. Kung walang tabloid, paano sila makararating sa masa?”
Binigyang-diin din ni Yap na sina Garcia at Gomez ay pawang appointee lamang ni PNoy at maaaring hilingin sa makapangyarihang Committee on Appointments (CA) na balewalain ang pagtatalaga sa kanila dahil sa pagpapakita ng diskriminasyon sa mga mamamahayag. (HNT)