Sanhi ng pagsirit ng presyo ng bigas sa gitna ng walang katiyakan sa suplay nito, magkatuwang na isinusulong ngayon ng Chairman ng Committee on Agriculture at ng Committee on Food Security sa Kamara de Representante ang pagpasa ng panukalang aampat sa paglobo ng nasasayang na bigas sa bansa na umaabot sa halagang P8.4 bilyon taon-taon.
Nakatakdang ihain ng Chairman ng House Committee on Agriculture na si Cong. Mark Llandro Mendoza at ng Chairman ng House Special Committee on Food Security na si Butil party-list Rep. Agapito Guanlao ang isang panukala na mag-aatas sa mga kainan o restoran at mga katulad na establisyemento na gawing kalahating takal na lamang ang isang “order” ng kanin imbes isang buong sukat nito.
Ang halaga ng sinasayang na bigas o kanin araw-araw ng mga Filipino ay umaabot sa P23 milyon ayon sa pag-aaral ng International Rice Research Institute (IRRI).
Kung susumahin sa taunang konsumo, ito ay aabot sa P8.4 bilyon. Ibinunyag naman ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI), isang ahensya sa ilalim ng pamamahala ng Department of Science and Technology, umaabot sa tatlong kutsarang bigas ang sinasayang ng bawat isa sa ating mga kababayan araw-araw at ang sukat na ito ay katumbas ng 3.3 kilong bigas sa isang taon.
“Ibig sabihin, halos 319,000 metriko toneladang (MT) bigas ang sinasayang natin o napupunta lamang sa basura kung susumahin natin ito sa kabuuang populasyon ng bansa na tinatayang nasa 96.7 milyon na ngayon. Alam n’yo bang mas malaki pa ito sa inangkat nating bigas ngayon taon?” bigay-diin pa ni Mendoza na katuwang ni Cong. Guanlao sa pagtimon ng pagdinig ng kamara sa di-maawat na presyo ng bigas at kakulangan sa suplay nito sa pamilihan.
Sa nasabing hearing ng dalawang komite, iniulat ng Bureau of Agricultural Statistics na pinangangasiwaan ng Department of Agriculture na aabot lamang sa 18.45 milyong MT lamang ng palay ang aanihin ng bansa sa taong kasalukuyan at mabibigo ang naturang kagawaran sa rice self-sufficiency targets nito ngayon 2013.
Sinusugan ito ni Guanlao na nagsabing maiibsan ng panukalang batas ang nasasayang na bigas sa bansa at malaki ang pakinabang na ibibigay nito sa mga konsumer, maging sa pamahalaan.
“Iyong malakihan kung komonsumo ng bigas tulad ng mga nasa industriya ng pagkain ay makapagbabawas ng kanilang ginagastos pambili ng bigas dahil mas kakaunting kanin ang kanilang iaalok sa kanilang mga kustomer. Sa kabilang banda, maging ang pamahalaan ay makikinabang din dahil hindi na magkukulang ang imbentaryo nila dahil lamang sa bultuhang kunsumo ng mga restoran na kadalasang nag-aalok nito,” sabi ni Guanlao.
“Ang panukalang ito, kung papalaring maisabatas, ay malaking tulong sa kalagayan natin ngayon kung saan tumataas ng na tumataas ang presyo dahil na rin sa kakulangan ng suplay nito,” dagdag ng mambabatas.
“Hindi pinipigilan ang mga Filipino sa pagkain ng kanin bagkus ini-aangkop lamang ng panukalang ito ang dami ng iniaalok sa atin sa dapat na kinukonsumo nating kanin,” paliwanag ni Mendoza.
“Wala naman problema sa unli-rice kung unlimited ang supply ng bigas, pero dahil hindi, kailangan natin gumawa ng paraan para tugunan ang rice shortage,” ani Mendoza.
HATAW News Team