NAKATUTUWANG nagagawan na ng paraan ang mga naggagandahan at mahahalagang obra para mapanood ito ng mas malinaw at maayos. Pagkatapos ng Himala, isinunod na ang Oro Plata Mata na mapapanood na in DVD form.
Ngayo’y kakaiba at talaga namang moderno na ang panonood na mararanasan dahil mas mataas na ang kalidad ng pelikula na ngayo’y in full HD na matapos itong matagumpay na nai-restore ng ABS-CBN Film Archives sa pakikipagtulungan sa Central Digital Laboratory.
Sa pamamagitan ng pag-restore o proseso ng “restoration,” napanunumbalik sa dating kalidad ang mga lumang pelikula na animo’y ginawa lang sa kasalukuyang panahon.
Kung ating matatandaan, unang ini-restore ng ABS-CBN ang pelikulang Himala na idinirehe ni Ishmael Bernal at isinulat ni Ricky Lee, at pinagbidahan ni Nora Aunor. Naging matagumpay ito kaya’t agad ding ini-restore ang Oro Plata Mata na itinuturing na isa sa pinakamagandang pelikula na ginawa noong 80s.
Ang ABS-CBN ang nagsimula at nanguna sa pagre-restore ng mga classic Filipino film sa bansa at kauna-unahan naman sa Asya na gumawa ng malawakang kampanya para muling ipakilala ang isang pelikulang nilikha 30 taon na ang nakalilipas sa kasalukuyan at mas batang henerasyon. Tulad na lang ng Himala na hindi lang napanood ng mga Filipino sa sinehan, kundi napanood din sa telebisyon, cable, at sa ibang bansa via pay-per-view.
“Layunin namin na maiparanas sa kasalukuyang mga manonood ang ilan sa pinakamahahalagang titulo sa kasaysayan ng pelikula sa bansa. Hindi tumitigil ang aming serbisyo sa pag-restore lamang ng lumang films kung hindi pati na rin sa kung paano namin mahihikayat ang panibagong audience na panoorin at tangkiliking muli ito,” ani ABS-CBN Film Archives head Leo Katigbak.
Kaugnay ng pagdiriwang ng ika-60 ng telebisyon sa bansa, patuloy ang ABS-CBN Film Archives sa kanilang sinumulang adhikain kaya naman patuloy pa rin ang pagre-restore nila ng mga natatanging mga titulo.
Isa sa kanilang pinaggugugulan ng oras sa ngayon ay ang restoration ng classic romantic musical drama na Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon sa pangunguna ng yumaong national artist na si Eddie Romero. Nakuha kamakailan ni Katigbak ang rights mula sa National Commission for Culture and the Arts para i-restore ang FAMAS at Gawad Urian award-winning film.
“Kinakailangan naming masalba ang mga classic na pelikula bago pa man ito tuluyang masira,” dagdag pa ni Katigbak.
Marami pang irere-restore na pelikula ang ABS-CBN Film Archives sa darating na mga buwan.
Maricris Valdez Nicasio