ITINAAS ng PAGASA sa Signal No. 4 ang bagyong Odette sa Batanes Group of Island.
Ayon sa PAGASA, lumakas pa ang bagyo sa taglay nitong hangin na umaabot na sa 205 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugsong hangin na aabot sa 240 kilometro bawat oras.
Signal No. 3 naman sa Calayan at Babuyan Group of Islands, signal No. 2 Cagayan, Apayao at Ilocos Norte.
Habang signal No. 1 sa Abra, Kalinga, Isabela, Northern Aurora, Quirino, Nueva Vizcaya, Benguet, La Union, Ilocos Sur, Mt. Province at Ifugao.
Bago magtanghali kahapon ay natukoy ang sentro ng bagyo sa layong 90 kilometro sa hilagang silangan ng Basco, Batanes at 170 kilometro sa hilaga ng Calayan Island ngayong umaga.
Umuusad ito sa direksyon ng hilagang kanluran sa bilis na 19 kilometro bawat oras.
Hindi na inaasahan na tatama ang sentro sa malawak na kalupaan ng Northern Luzon, ngunit sapol nito ang mga maliliit na isla sa Batanes Group of Islands.
Inaasahan na lalabas ang bagyong Odette sa Philippine area of responsibility (PAR) sa Sabado ng gabi.
Gayonman, ayon sa PAGASA, kahit nasa labas na ng PAR ang bagyo ay inaasahan pa rin ang mga pag-ulan sa Luzon dahil pag-iibayuhin ang hanging habagat. (HNT)
RESIDENTE SA COASTAL AREAS NAGSILIKAS
MARAMI ang nagsilikas habang mayroon na rin hindi madaanan na mga kalsada bunsod ng mga pagbaha dulot ng bagyong si Odette na humahagupit sa Northern Luzon.
Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 69 pamilya o katumbas ng 242 katao ang tumungo sa evacuation center sa Salomague, Paniqui, Tarlac.
Simula noong Martes ay binaha na ang bahagi ng Brgy. Salomague, Paniqui, Tarlac bunsod ng pabugso-bugsong ulan dala ng hanging habagat na pinag-ibayo ng bagyo.
Hindi naman madaraanan ang lansangan sa Sta. Maria papuntang Cabagan bunsod ng mga pagbaha.
Ayon sa Philippine Coast Guard, 45 pasahero na rin ang stranded sa Northern Luzon na kinabibilangan ng 20 pasahero sa Aparri, Cagayan, 25 sa San Vicente dahil hindi makapagbiyahe ang 10 sasakyan pandagat dahil sa masungit na lagay ng panahon sa karagatan.