Monopolyo at sabwatan sa mga multi-million project sa Palawan
Jerry Yap
January 16, 2016
Bulabugin
MILYON-MILYONG piso na naman ng mahahalagang proyekto, tulad ng paggawa ng mga tulay at kalsada, ang pinag-aagawan sa Palawan.
Pero sa kasamaang palad, isang kompanya lang umano ang madalas nakakokopo nito – ang E. GARDIOLA Construction?!
Ayon sa ating Bulabog boys sa Palawan, ang E. Gardiola Construction ay matagal nang may sabwatan sa ilang opisyal sa kanilang lalawigan.
Panahon pa ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay namamayagpag na raw ang nasabing kompanya.
Nakakuha na raw ito ng P2.3 bilyong kontrata sa gobyerno.
Walastik!!!
Alam ba ni BIR Comm. Kim Henares kung gaano kalaki na ang kinita ng E. Gardiola Construction sa Palawan.
Korner na kopo pa, umano ng kompanya ang lahat ng malalaking proyekto sa Palawan.
Bakit nga ba Gob?
Umiiyak na nga raw ang ilang maliliit na negosyante at contractor dahil ang napupunta sa kanilang proyekto ay tira-tira na lang.
Ang E. Gardiola pa raw mismo ang namamahagi ng proyekto sa kanila. “Walang bidding, at kung meron man, moro-moro at biding-bidingan lang.”
Natural hindi mangyayari lahat ito kung walang basbas at tongpats ng mga opisyal ng DPWH. Noong panahon ng “pork barrel” ng negosyanteng si Janet Lim Napoles, nasangkot din umano sa anomalya sa mga kontrata ang E. Gardiola, pero hanggang ngayon ay natutulog pa rin ang nasabing kaso.
Pinaiimbestigahan din ng Bureau of Internal Revenue ang E. Gardiola dahil sa hindi pagbabayad ng tamang buwis sa kabila ng kinita nitong P3.59 bilyon mula 2009 hangang 2010, base sa ulat ng Commission on Audit.
Hindi naman kataka-taka kung heto na naman ang katiwalian dahil malapit na ang eleksiyon.
Saan pa ba kukuha ng pondo ang mga corrupt na politiko kundi sa mga proyekto na sana’y napakinabangan at nagpaginhawa sa taong bayan.
Panahon na para magsagawa ng totoong pagsiyasat ang ating gobyerno sa mga ahensiya nitong nangunguna sa korupsyon. Alam ng lahat na isa ang DPWH sa may hawak ng bilyon-bilyong pisong pondo para sa mga impraestruktura – gaya ng eskwelahan, palengke, ospital at pabahay sa mahihirap.
Tanong nga ng mga taga-Palawan: “Saan nga ba ang “daang matuwid” sa Palawan na sinasabi ni Pangulong Aquino?”
Haay buhay talaga… kawawa naman ang taong bayan sa mga politiko at opisyal ng gobyerno na walang alam kundi sumandok ng pera ng bayan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com