MULING pagkuha ng solo liderato ang pakay ng defending champion San Miguel Beer samantalang pag-iwas sa maagang pagkalaglag ang layunin ng Meralco sa magkahiwalay na laro ng PBA Philippine Cup mamaya sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Makakatunggali ng Beermen ang NLEX sa ganap na 7 pm matapos ang 4:15 pm bakbakan sa pagitan ng Bolts at Globalport.
Ang Beermen ay kasalukuyang kasosyo sa unahan ng Alaskia sa record na 7-1. Mayroon silang five-game winning sreak at ang huli niang naging biktima ay ang Mahindra, 102-86 noong Disyembre 3.
Ang NLEX ay may 4-4 record at nakaseguro na ng quarterfinals berth. Galing ang Road Warriors sa 90-96 kabiguan buhat sa Globalport. Kaya naman hangad ni coach Boyet Fernandez na makaiwas sa back-to-back na kabiguan.
Pagtutuunan ng pansin ang duwelo sa pagitan ng reigning Most Valuable Player na si June Mar Fajardo at beteranong si Paul Asi Taulava na siyang pinakamatandang manlalaro ng liga.
Si Fajardo ay susuportahan nina Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Ross at Marcio Lassiter. Si Taulava ay tutulungan nina Sean Anthony, Enrico Villanueva, Mark Cardona at Jonas Villanueva.
Ang Meralco ay may iisang panalo sa siyam na laro. Galing ang Bolts sa 88-86 kabiguan buhat sa Alaska Milk.
Kailangan ng Meralco na mapanalunan ang natitira nitong dalawang laro upang magkaroon ng tsansang makarating sa susunod na yugto.
Ang Batang Pier ay kasama ng TNT sa ikaapat na puwesto sa record na 5-3. Nais ng Globalport na tapusin ang elims sa ikatlo o ikaapat na puwesto upang makakuha ng twice-to-beat na bentahe sa quarterfinals.
( SABRINA PASCUA )