Katuwang ng Philippine Red Cross Rizal Chapter ang Aqueous Events sa The Big One Benefit concert at inabot daw sila ng 1:30 a.m. dahil sa rami ng artists na nakiisa sa nasabing fundraising project.
“Super thank you po sa lahat ng write-ups dahil malaking tulong ito sa ‘The Big One concert’, sana sa mga susunod pang project ng Aqueous, suportahan nyo rin,” sabi ni Adele.
At isa pang project ng Aqueous Event ay ang first major concert ng boy band na The Upgrade na may titulong Unstoppable na gaganapin sa Music Museum sa Disyembre 4, Biyernes, 8:00 p.m..
Bilib nga kami sa lakas ng loob ng The Upgrade dahil hindi sila nagpakabog kay Sarah Geronimo na kasabay din nilang mag-show na gaganapin naman sa Smart Araneta Coliseum na may titulong From The Top.
Sabi naman ni Adele, ”magkaiba naman ang genre ng Upgrade at Sarah G, more on bagets naman ‘tong grupo at saka nasa 80% na po ang tickets selling namin. May ilang days pa, so most probable baka ma-sold out na.”
Oo nga, malakas nga ang benta ng tickets ng The Upgrade ateng Maricris maski ipagtanong mo sa tickenet, nagulat nga rin kami.
Sabagay, napatunayan din naman natin ito na maraming supporters ang The Upgrade dahil sa nakaraang presscon nila sa Finio Restaurant kamakailan ay maraming pumunta at ‘yung hindi kasya sa loob ng venue ay nagtiyagang maghintay sa labas.
Nagsimulang magkaroon ng exposure ang The Upgrade sa Walang Tulugan show ni Master Showman, Kuya Germs Moreno at doon din daw napansin ang grupo.
Kuwento nga ng manager ng grupo na si katotong John Fontanilla na disiplinado raw ang mga miyembro ng Upgrade na kinabibilangan nina Casey Martinez, Armond, Ron Galang, Miggy San Pablo, Rhem Enjavi, Mark Baracael, Ivan, at Raymond Tay dahil pawang mga nag-aaral at kabilin-bilinan din daw niya na unahin ang career kaysa pakikipagrelasyon habang bata at mainit pa sila sa fans.
Noong 2012 nabuo ang grupo at sa loob lang ng tatlong taon ay nakatanggap na sila ng awards tulad ng Asian Achievers Award 2012 bilang Outstanding Filipino Boyband; People’s Choice Award 2012 Outstanding Young Performing Group; 32nd Annual Family Entertainment Award 2012 Promising Boyband;Who’s Who in the Philippines Outstanding Pinoy Achiever Awardee Outstanding Boyband, at People’s Choice Award 2013, Internet Phenomenal Sensation, at Oustanding Boyband; Dangal ng Bayan 2013 Boy Band of the Year; Gawad Musika Best Boyband of the year at 34th Seal of Excellence Awards, Outstanding Boy Band of the Year 2015.
Dahil laman ng social media ang Upgrade ay napansin sila ng Viva Talents Agency at kinontrata sa loob ng dalawang taon, pero wala namang nangyari kaya tinapos lang ng grupo ang kanilang kontrata at nagpaalam na.
Hmm, kawalan ba ng Viva ang Upgrade, Ateng Maricris?
FACT SHEET – Reggee Bonoan