PAG-IBIG aprubado sa solar panels loans
Hataw News Team
October 20, 2015
News
MAAARI nang kumuha ng housing loan para sa pagpapakabit ng mga solar panels sa kanilang bahay, ang mga kwalipikadong PAG-IBIG Fund member na maaaring parte ng home improvement o home purchase.
Sa isang memorandum na nilagdaan ni Atty. Darlene Marie B. Berberabe, chief executive officer ng PAG-IBIG Fund, makukuha ang loan sa paggamit ng residential property na gagamitan ng solar panels bilang kolateral.
Pinuri ni Emma Imperial, chief executive officer (CEO) at pangulo ng grupong Imperial Homes Corporation (IHC), ang ginawa ng PAG-IBG at hinikayat niya ang housing developers na pangalagaan ang kalikasan sa pamamagitan ng renewable solutions laban sa climate change.
Nanguguna ang IHC na gumagamit ng 24-hours solar solution sa mga low-cost communities sa Sto. Tomas, Batangas at Estancia sa Legazpi City sa Bicol. Target ng IHC sa susunod na limang taon na magkaroon ng mga 5,000 bahay na may solar-power.
Makatutulong ito na makabawas ng 9.2 milyong gastos taon-taon sa koryente mula sa fossil fuel, at mababawasan din ang carbon emissions ng 7.2 tons.
“Inaprubahan ng PAGIBIG Fund ang funding ng aming 24-hour solar solutions para sa kanilang mga miyembro para maging abot-kaya ang pagkuha ng teknolihiyang ito. Natutuwa kami sa suporta ng PAG-IBIG Fund sa pagtulong na mabawasan ang epekto ng climate change at makagamit ng renewable energy,” paliwanag ni Imperial.
Kaanib ng IHC ang Enfinity Imperial Solar Solutions, Inc., isang Filipino-Belgian joint venture firm na nangunguna sa rooftop solar solutions para sa low-cost housing.
Sa kasalukuyan, ang taunang total production capacity ng kompanya ay pareho ng gamit ng koryente ng 126,00 pamilya at binabawasan ang CO2 emission ng 335,000 tons kada taon.
Noong Hunyo 1, 2015, binabaan ng PAG-IBIG ang kanilang interest rate mula sa 6.985 percent naging 6.5 na lamang bawat taon sa ilalim ng End User Financing Program, na sakop ang home improvements.
Ang rate na ito ay maari lamang magamit ng mga na-aprubahang loans noong Hunyo 1 hanggang sa kasalukuyan at ang mga existing loans na nakatakdang i-reprice.