MAGKAKAROON ng birthday concert ang talented na singer/songwriter na si Marion Aunor sa Teatrino sa darating na April 10. Isa ito sa pinaghahandaan ngayon ng dalaga ni Ms. Maribel Aunor, bukod pa sa forthcoming album niya under Star Records.
“May birthday concert po ako sa April 10 sa Teatrino, details to follow po,” saad sa amin ni Marion nang maka-chat ko siya.
May nasabi siyang guest, pero ayon sa mommy niya ay nagbago raw ng line-up. “Hindi na Harana Boys ang guest. Sina Edward Benosa, Michael Pangilinan and still waiting sa confirmation kay JM de Guzman,” sabi sa amin ni Ms. Lala.
Nang i-suggest namin na sana ay makasali sa guest si Kathryn Bernardo, ito ang sagot ng dating teenstar. “Ita-try kumbidahin si Kathryn, sana nga available siya.”
Inusisa rin namin si Marion tungkol sa kanyang next album. “Nag-meeting na po kami ni Sir Jonathan Manalo para pag-usapan yung line-up ng second album ko. Start na po kami mag-record next week dahil target date po ay April.
“Nag-request po kasi ako na baka puwedeng i-release for my birthday ng April 10. And sa album po, baka magkaroon ako ng collaboration with KZ Tandingan and Yeng Constantino.”
Napag-usapan din namin ni Marion ang ginawa niyang kanta para sa self-titled album ni Kathryn.
“Very proud ako kay Kathryn and grateful na ginawa nilang carrier single yung composition ko. Sa kanya po nag-start yung pagbigay ko ng songs sa ibang artists. So, for her record to be gold on the first day, nakaka-encourage na ipagpatuloy yung pagko-compose hindi lang para sa sarili ko, but for other artists as well.
“Very grateful din ako sa Kathniel fans. Noong unang time na pinerform ni Kathryn ng live yung song ko, memorize na nila lahat yung lyrics and sinasabayan siya. ’Tapos nag-number-one pa sa MYX charts yung video para sa song na yun. So, malayo kagad yung narating ng song dahil kay Kathryn and sa fans niya, kaya thank you sa kanila.”
Sa next album ni Kathryn, gusto mo ba ulit siyang gawan ng song? “Yes of course, I-push natin iyan! Pero sakaling gagawan ko ulit si Kathryn ng song, baka mas upbeat na. Like ‘yung Blank Space ni Taylor Swift, parang ganoon po.”
Emma Cordero, marunong mag-share ng blessings
SASABAK na rin sa paggawa ng pelikula ang singer na si Emma Cordero. Kabilang si Ms. Emma sa casts ng pelikulang Butanding na mula sa pamamahala ni Direk Ed Palmos at pinabibidahan nina Ms. Lourdes Duque Baron, Lara Quigaman, Rey ‘PJ’ Abellana, Tessie Lagman, Norris John, Nash Marcos, Dhenz, at Miles Manzano. ,
Sa presscon nito, nalaman namin na matulungin pala si Ms. Emma. Nabanggit niyang mayroon siyang scholars na tinutulungan, bukod pa sa mga kabataang biktima ng bagyong Yolanda sa Leyte at Samar.
May mga kabataan daw siyang pinaaral noon sa Reclamation area, pero isinusugal lang daw pala ng mga magulang ang pinadadala niyang pera. Na disappoint daw siya dahil dito kaya napag-isipan niyang magpatayo na lang ng school sa San Pedro Laguna, ang Our Lady of Fatima de San Pedro School. Sa ngayon, may pinag-aaral siyang 67 scholars sa high school at college.
“Nagkaroon kasi ako ng cancer sa throat, isang miracle na gumaling ako. Kaya nag-promise ako sa Panginoon at kay Mama Mary na, ibalik Ninyo sa akin ang boses ko, tanggalin ang sakit ko at lahat ng income ko sa singing career ko itutulong ko sa education ng mga bata.
“Para sa akin ‘pag tumulong ka sa mga batang yun, ‘pag lumaki sila ay yun din ang gagawin nila sa kapwa nila. Kaya sabi ko, ‘wag nyo nang ibalik sa akin ang tulong, sa iba nyo na lang itulong iyan,” saad ng tinaguriang Asia’s Princess of Songs.
Ukol naman sa kanyang pagiging bahagi ng pelikulang Butanding, sinabi ni Ms Emma na isa itong blessing at ayaw niyang palagpasin ang ganitong opportunity.
ni Nonie V. Nicasio