BUNSOD nang tumataas na insidente ng krimen dahil sa paggamit ng social media, nagbabala ang pambansang pulisya sa mga gumagamit nito na mag-ingat sa pagpo-post ng larawan at kabuhayan sa social networking sites.
Ito ay makaraan matuklasan ng PNP na may mga nahihikayat na kriminal na biktimahin ang mga negosyante at mga taong ipino-post ang kanilang kabuhayan sa facebook, at dinudukot sila para humingi ng ransom.
Ayon kay Senior Supt. Rene Aspera, chief of staff ng Anti-Kidnapping Group, ilan sa malalaking sindikato sa bansa ay gumagamit na ng Facebook o social networking websites sa paghahanap ng maaaring maging mga biktima.
Batay sa report mula sa AKG, nakatanggap sila ng 43 kaso ng kidnap-for-ransom sa Luzon at Mindanao at karamihan sa mga insidente ay konektado sa Abu Sayyaf group.
Bagama’t mas mababa sa lima ang kompirmadong kaso sa kidnap-for-ransom gamit ang social networking site ay muling iginiit ng opisyal na mas maiging iwasan na lamang ang pag-post at pagpapakita ng yaman, mga ari-arian o lifestyle na makahihikayat sa mga kidnapper.