INAASAHANG aangat ang serbisyo ng Philippine National Railways (PNR) sa susunod na taon.
Ito ang tiniyak ni PNR General Manager Joseph Allan Dilay makaraan kompirmahing tumaas ang naaprubahang badyet para sa kanilang tanggapan.
Unang lumabas sa mga ulat na mula sa P1.2 bilyong panukalang 2015 budget ng PNR, tinapyasan ito ng Budget Management Department at bumaba sa P546 milyon ngunit balita ni Dilay ngayon: “‘Yung errata po na sinabi sa ‘kin ng DoTC na mismong, personal came from Secretary Jun Abaya ay pumapatak ng P1.550 billion. Maganda pong balita.”
Hindi alam ni Dilay ang tungkol sa errata sa MRT at LRT ngunit siya mismo aniya ang nagbalangkas ng nilalaman ng P1.550 bilyong errata na ito.
Sa ibinalik na final errata ng PNR, nakapaloob aniya rito ang mga ni-request niyang proyekto at programa. Malaking pagbabago sa PNR aniya ang magiging kapalit nang mas malaking badyet.