IPINATUTUGIS na ni Chief Supt. Richard Albano, Quezon City Police District (QCPD) director, ang pito sa siyam pulis na sangkot sa pagdukot at hulidap sa EDSA, Mandaluyong kamakailan.
“Ito naman mga nagtatago na ito, hindi ko na sinasabing mag-surrender kayo. Hahanapin namin kayo!” babala ni Albano.
Walo sa mga suspek sa insidenteng nakunan ng litrato at kumalat sa social media ang aktibo sa La Loma Police Station, na sakop ng QCPD, habang isa ang matagal nang dismissed.
Naaresto at kapwa nasa Mandaluyong City Police Station na sina Chief Inspector Joseph de Vera at PO2 Jonathan Rodriguez, kinasuhan ng highway robbery, serious illegal detention at kidnapping.
Patuloy na hinahanap sina Sr. Insp. Marco Polo Estrera (dismissed), Sr. Insp. Oliver Villanueva, SPO1 Ramil Hachero, PO2 Weavin Masa, PO2 Mark De Paz, PO2 Jerome Datinguinoo at PO2 Ebonn Decatoria.
Sinabi ni Albano, bukod sa mga suspek na idineklarang absent without official leave (AWOL), na-relieve din maging ang station commander na si Supt. Osmundo de Guzman na kasamang paiimbestigahan.
(ALMAR DANGUILAN/ ED MORENO)
REWARD VS 7 PULIS
PARA sa agarang pag-aresto sa mga pulis na sangkot sa tinaguriang EDSA hulidap-kidnapping, naglaan ng reward money ang pamahalaan.
Inaprubahan ng Malacañang ang panukala ni DILG Secretay Mar Roxas na taasan ang reward para sa sino mang makapagtuturo sa mga pulis na wanted ng batas dahil sa kinasasangkutang krimen.
Ginawa ni Roxas ang panukala sa gitna nang nagaganap na iba’t ibang krimeng kinasasangkutanng mga alagad ng batas.
Desmayado si Roxas sa pinakahuling kaso ng pagkakadawit ng ilang pulis Quezon City sa kaso ng panunutok ng baril at pag-kidnap sa dalawang sakay ng isang SUV sa kahabaan ng EDSA, Mandaluyong City noong Setyembre 1.
Giit ng kalihim, ang mga pulis na sana’y dapat na protektor ng publiko laban sa krimen ay kung bakit sila pa ang nagsisilbing kawatan at nambiktima ng mga inosenteng sibilyan.
SUSPEK SUMIRIT SA 12
UMAKYAT na sa 12 ang bilang ng mga suspek sa EDSA hulidap.
Ito’y makaraan ikanta ng naarestong si PO2 Jonathan Rodriguez ang kasamahang si Police Senior Inspector Allan Imlano.
Ayon kay Eastern Police District (EPD) director, Chief Supt. Abelardo Villacorta, tinukoy ni Rodriguez si Imlano bilang siyang sakay ng isang motorsiklong humarang sa biniktimang Fortuner.
Si Imlano aniya ang humablot sa driver ng Fortuner at nagmaneho nito patungong La Loma Police Station.
Nabatid na isang Pulis-Caloocan si Imlano ngunit naka-absent without official leave (AWOL) simula pa noong 2013.
Bukod kay Imlano, nadagdag din sa inisyal na siyam pulis na suspek, ang dalawang hindi pa nakikilala.
Isa rito ang lalaking naka-helmet na nagmaneho ng motorsiklong inangkasan ni Imlano.
Habang person of interest ang dating girlfriend ng isang biktima na sinasabing siyang nagtimbre sa mga sangkot na pulis kaugnay ng P2 milyong dala nito.
Samantala nitong Lunes, kinasuhan na ng brigandage at kidnapping with serious illegal detention ang siyam na suspek sa Mandaluyong City Police Station bagama’t dalawa pa lamang ang naaresto.
Itinuturing nang AWOL ang iba pang aktibong pulis na isinasangkot sa krimen, at patuloy pa ring tinutugis.