DALAWA pang kompanya ang nakatakdang pumasok sa Philippine Basketball Association bilang mga bagong expansion teams sa susunod na taon.
Ito ang kinompirma ng bagong tserman ng PBA Board of Governors na si Patrick “Pato” Gregorio sa pulong ng lupon sa Espanya kamakalawa.
“We will definitely expand, and it will happen in the 2015-2016 season,” wika ni Gregorio. “We’ve been told that league officials are already talking to at least three companies.”
Isa sa tatlong posibleng expansion teams ay ang Hapee Toothpaste na matagal na planong pumasok sa liga.
Katunayan, sasali ang Hapee sa PBA D League.
Unang nakapasok bilang expansion teams sa PBA ang Blackwater Sports at Kia Motors samantalang binili ng North Luzon Expressway ang Air21.
Kung papasok ang dalawang baguhan, magiging 14 na ang koponan ng PBA sa susunod na taon.
“Our goal is to take the league to a whole new level,” ani Gregorio.
Samantala, pupunta sina Gregorio at Komisyuner Chito Salud sa Bocaue, Bulacan sa Setyembre 18 upang inspeksyunin ang bagong Philippine Arena na may kapasidad na halos 55,000 katao.
“We will check if the goals and basketball flooring are up to PBA standards,” dagdag ni Gregorio.
Kung matutuloy ang plano, gagawin ang pagbubukas ng bagong PBA season sa Oktubre 19 sa Philippine Arena kung saan maghaharap ang Blackwater at Kia sa unang laro at Talk n Text kalaban naman ang Barangay Ginebra San Miguel sa ikalawang laro.
(James Ty III)