TILA natapos na ang swerte ni Optical Media Board (OMB) Chairman Ronnie Ricketts matapos siyang patawan ng suspensiyon kasama ang apat na opisyal ni Ombudsman Conchita Carpio Morales.
At mukhang makukulong pa dahil inirekomenda ni Madam Carpio-Morales na sampahan din ng kasong kriminal ang grupo ni Ricketts partikular ang paglabag sa anti-graft and corrupt practices act.
‘Yan ay dahil sa maanomalyang operasyon noong 2010.
Sa rekord, sinalakay ng grupo ni Ricketts noong Mayo 27, 2010 ang Sky High Marketing Corporation sa Quiapo, Maynila, na nagresulta sa pagkaaresto sa tatlong Intsik at pagkompiska ng 127 kahon at dalawang sako ng mga piratang DVD.
Pero ilang oras ang nakalipas, iniutos ni Ricketts ang pag-pull-out mula sa OMB nang walang gate pass ang mga hinakot na DVD na isinakay sa truck ng Sky High.
Sa resolusyon, dapat ipinag-utos ni Ricketts ang pagsasampa ng kaso laban sa mga dayuhan pero hindi niya ginawa bagkus, ibinalik ang mga piratang DVD na magsisilbi sanang ebidensya.
Nakitaan ng kapabayaan ng Ombudsman si Ricketts bilang OMB chief para patawan ng anim na buwan-suspensyon kasama sina Executive Director Cyrus Paul Valenzuela, Enforcement and Inspection Division (EID) head Manuel Mangubat, Investigation Agent I Joseph Arnaldo, at Computer Operator II Glenn Perez.
‘Yan po ang malinaw na nangyari kay Ricketts.
Tsk tsk tsk …
Masyado po tayong nadesmaya, dahil buong akala natin ‘e matino ang mama.
MAGKANO este ano ang dahilan Mr. Ricketts?
Nagtataka talaga tayo kung bakit nakalusot este nangyari ‘yan.
Hindi ba’t napakatapang magsalita ni Chairman Ricketts laban sa mga ilegal na namimirata ng mga DVDs/CDs?
Tuwing may sinasalakay sila na pinaghihinalaang pugad ng mga ‘PIRATA’ hindi pwedeng hindi kompleto ang media (radio, TV at print).
Ibig sabihin, pagkatapos ng RAID, dapat automatic din na magiging BIDA siya.
Aba, kung hindi tayo nagkakamali, latak pa ng PGMA administration si Ricketts at matagumpay na nakalangoy sa PNoy administration.
Suggestion lang po … dapat ay i-LIFESTYLE check na rin si Mr. Ricketts para naman magkaroon siya ng pagkakataon na linisin ang kanyang pangalan.
Ano sa tingin ninyo, Madam Kim Henares?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com