SWAK sa kulungan sa Camp Crame ang pinsan ni dating First Gentleman Mike Arroyo, na dating banker na si Benito Ramon “Bomboy” Araneta dahil sa kasong large scale estafa.
Naaresto ng mga operatiba ng Regional Intelligence Unit ng NCRPO si Araneta sa kanyang bahay kamakalawa ng hapon sa Acacia Avenue sa Ayala, Alabang.
Ayon kay PNP PIO head, Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, si Araneta ang naging dahilan ng pagbagsak ng LBC Development Bank noong taon 2011.
Sinabi ni Sindac, nakapangutang ng pera si Araneta sa nasabing banko nang walang collateral, na nagkakahalaga ng P230 milyon.
Ngunit sa imbestigasyon ng Philippine Deposit Insurance Corp. (PDIC), napatunayang nagkaroon ng sabwatan ang presidente ng nasabing banko na si Ma. Luisa Berenguer at si Araneta.
Nabatid na inaprubahan ni Berenguer ang loan ni Araneta.
Habang ayon kay Chief Supt. Diosdado Ramos, intelligence group director ng NCRPO, si Araneta ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Maximo de Leon ng Makati City Regional Trial Court Branch 143.
Sinabi ni Ramos, walang piyansang inirekomenda ang korte para sa akusadong nahaharap sa 16 counts ng syndicated estafa dahil sa pagkawala ng P230 milyon depositor’s money. Taon 2011 nang ipatigil ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang operasyon ng LBC Development Bank.