NAKAHANDA na ang PNP General Hospital sakaling i-hospital arrest si Senator Juan Ponce Enrile.
Sakaling mapagbigyan ang kahilingang hospital o house arrest ni Enrile, posibleng dalhin pa rin siya sa Kampo Crame para isailalim sa booking process.
Sinabi ni PNP spokesman Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, kahit hindi ibigay sa kanila ng korte ang kustodiya kay Enrile kapag nadakip o sumuko, kailangan pa rin nilang bitbitin ang senador papuntang Kampo Crame bilang bahagi ng normal na proseso.
Bagama’t maaari rin aniyang magsagawa nang bukod na pagpoproseso ang Sandiganbayan, iba pa ito sa regular na pagkuha ng fingerprints at mug shot ng CIDG at pagsailalim sa akusado sa medical at physical examinations.
Makaraan ang booking process ay agad nilang itu-turnover ang senador kung saan man siya ikukulong ng korte.
Aminado ang opisyal na magiging mahirap para kay Enrile sakaling sa Custodial Center siya ipiit dahil mainit sa loob ng detention cell lalo’t may edad na ang senador.