SINAMPAHAN ng kasong paglabag sa Republic Act 1084 at serious illegal detention ng Pasay City Police sa Prosecutor’s Office ang anim kalalakihang dumukot sa Chinese tourist nitong Biyernes.
Kinilala ni Pasay City Police chief, Sr. Supt. Florencio Ortilla ang mga suspek na sina Richard Eloriaga, 31; Christoper Esperat, 29; Roel Fausto, 32; Daniel Ren, 20; isang Tsinoy; Giovani Erollo, 20; at Ramon Paran, 17-anyos.
Nasagip ng mga awtoridad sa Queensland Hotel mula sa mga suspek ang biktimang si Shang Pang Wa, 34, sa FB Harrison, Pasay City dakong 6 p.m. kamakalawa ng gabi.
Dinukot ng mga suspek ang biktima sa Maynila noong Biyernes at mula sa Remington hotel, ilang beses inilipat sa mga hotel sa Alabang, Muntinlupa City, at Taguig City, at ipinatutubos ng P2 milyon.
Ngunit humingi ng tulong sa mga awtoridad ang kaibigan ng biktima na si Joanne Bautista na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Sa pulisya, ikinatwiran ng mga suspek, may utang ang biktima sa isang kapwa Chinese national kaya pinabantayan sa kanila sa loob ng halos apat na araw.
(JAJA GARCIA)