PUMAYAG na ang Philippine Basketball Association na bigyan ng dagdag na palugit ang North Luzon Expressway (NLEX) para bayaran ang P100 milyon na franchise fee upang tuluyang makapasok sa liga bilang expansion team sa susunod na season.
Ito’y kinompirma ni Komisyuner Chito Salud pagkatapos na tinanggap niya ang sulat mula sa team manager ng Road Warriors na si Ronald Dulatre na humiling kay Salud na bigyan sila ng palugit hanggang Hunyo 16.
Naunang nagbayad nang kaunti ang dalawa pang expansion teams na Blackwater Sports at Kia Motors ng nasabing franchise fee.
“Their stated reason for the second extension is that: ‘They’re considering two options. Number one option is to continue with their expansion team entry or, number two, they’re exploring ways of acquiring an existing franchise,” wika ni Salud sa panayam ng www.spin.ph.
“Mukhang (last na ‘yun talaga) kasi dikit na ‘yan eh! I expect them to make their final decision and to notify my office of such decision by June 16.”
Samantala, kinompirma ng isang opisyal ng NLEX ang plano nitong bilhin ang prangkisa ng isang koponan sa PBA ngunit wala na siyang naibigay na iba pang mga detalye.
Naunang na-tsismis na may plano ang Road Warriors na bilhin ang prangkisa ng kahit sino sa Alaska o Air21 ngunit parehong itinanggi ito ng Aces at Express.
Ayon pa kay Salud, kung talagang bibili ang NLEX ng prangkisa sa PBA, dapat itong aprubahan ng PBA Board of Governors. (James Ty III)