UMALAGWA ang live rating ni Pinoy super grandmaster Wesley So kaya paniguradong aakyat ang kanyang world ranking pag inilabas na ng FIDE ang rating lists sa Hunyo.
May standard rating na 2731 ang 20 anyos na si So subalit ang kanyang live rating ay pumalo sa 2744.4 matapos sungkitin ang titulo sa 49th Capablanca memorial 2014 na ginanap sa Havana, Cuba nitong nakaraang Linggo.
Nakalaban ni So sa nasabing event ang mga bigating sina top seed GM Leinier Perez Dominguez (elo 2768) ng Cuba at no. 2 seed GM Vassily Ivanchuk (elo 2753) ng Ukraine .
Sinulong ni So ang 6.5 points sa 6-man elite double round robin, isang puntos ang agwat sa nasegundong si Batista Lazro Bruzon (elo 2678) ng Cuba.
Dalawang beses nakalaban ni So sina Dominguez at Ivanchuk sa nasabing tournament.
Nakatabla si So kay Dominguez sa unang paghaharap nila subalit sa pangalawang pagkikita ay kinaldag ng Pinoy ang Cuban GM.
Tabla naman pareho ang resulta ng dalawang laro nina So at Ivanchuk.
Kasalukuyang nasa pang 23 sa world si So subalit may posibilidad itong sumampa sa pang 15 sa Hunyo.
Pagpasok ng taong 2014 sinabi ni So na pakay nitong abutin ang elo rating na 2750.
“ Sana malampasan ko agad ‘yung 2750 (elo).” wika ni So na nag-aaral sa Webster University sa America .
Bukod sa nasabing event may isa pang major tournament ang sinalihan ni So noong Enero, ang Tata Steel Chess Tournament 2014 kung saan ay nakahakot din ito ng malaking puntos sa elo rating.
Naka-ipon si So ng anim na puntos matapos ang 11 rounds para makisalo sa fourth to sixth place.
Si So na ginagabayan ng kanyang female coach na si GM Susan polgar ay kasalukuyang nasa Canada kasama ng kanyang mga magulang. (ARABELA PRINCESS DAWA)