KAHAPON tuluyan nang nabasag ang pananahimik ng mga negosyante na nasa area of responsibility (AOR) ng Manila Police District Morga Station (PS 2).
Lalo na po d’yan sa bahagi ng Ilaya, Divisoria area na kanilang nasasakupan.
Matagal na umano nilang inirereklamo ang kawalan ng pulis lalo na sa area na malalapit sa banko. Kaya talamak ang holdapan.
Ibig sabihin, ZERO ang POLICE VISIBILITY sa nasabing area.
Kamakalawa, isa na namang negosyante ang nabiktima ng mga holdaper. Palibhasa ay napakalapit ng banko sa kanilang bahay kaya naglalakad lang ‘yung negosyante patungong banko (BDO Ylaya).
Pero ang malungkot, sa ikli nga ng pagitan ng kanyang bahay at ng banko ‘e nadale pa siya ng mga holdaper na gumamit ng motor sa kanilang pagtakas.
At ang mas masaklap, ilang metro lang ang layo nito sa Presinto Dos!
Sa opisyal na ulat ng pulisya (‘yan na lang ang kayang gawin ng pulis, ang mag-ulat, salamat na rin po) dalawa lang daw ang suspek, pero ayon sa ilang saksi, mayroon silang namataan na dalawa-katao na umaaktong lookout. Pero ‘yung naka-motor dalawa lang. Kaya apat ang mga holdaper.
Okey iniimbestigahan na ng pulis ang insidente at tinutugis na umano ang mga suspek.
Pero ang tanong po natin, ganoon na lang po ba ang papel ng pulis? Ang mag-imbestiga na lang?
Ang pinangyarihan ng insidente ay halos sa rotondang nakaikot sa Sto. Niño Church, kalapit na kalapit ng Plaza Morga (Morga St.), na kinatatayuan ng MPD PS2.
Hinoldap, binaril ng apat na beses at naitakbo na ng mga barangay tanod ang biktima sa Mary Johnston Hospital, malapit din po sa pinangyarihan ng krimen, pero hindi pa rin daw dumarating ang responde ng mga pulis na napakalapit lang sa pinangyarihan.
Sonabagan!!!
Apat na putok ng kalibre .45, hindi narinig ng mga pulis sa MPD PS-2!?
Nganga!!!
MPD PS-2 Chief P/Supt. JACKSON TULIA ‘este’ TULIAO, Sir, mukhang sa mga pobreng vendor lang ang police visibility ninyo!?
Vendor lang ba ang kaya nilang sindakin?
Bakit hindi gamitin ‘yang mga paninindak na ‘yan sa mga NOTORYUS na holdaper!
Araw-araw mahina ang 10 kataong nabibiktima ng mga snatcher, slasher, salisi at holdaper sa AOR ninyo.
Lalo na ngayong pasukan, tiyak na magiging talamak ‘yan!
Galaw-galaw KERNEL TULIAO!
Ikaw rin baka bigla kang mapansin ni NCRPO chief, Dir. Carmelo Valmoria, bigla kang ma-BOOM PANES!
SINO SI ALYAS PING NA BAGMAN NG GAMES AND AMUSEMENTS BOARD (GAB)?
NAMUMUSARGA raw ang bulsa ng isang alyas taga-Games and Amusements Board (GAB) na kung tawagin ay Bossing PING dahil sa walang humpay na kolek-TONG ng isang alyas GERRY BANGKAY at MARLON NGUSO.
Saan galing ang koleksiyon nina BANGKAY at NGUSO?
‘E di sa mga 1602 operators na ginagamit ang GAB sa kanilang mga kolektong.
Kaya nga raw very happy talaga si alyas PING.
Ang tanong: “Sino ba ‘yang si alyas Ping?!”
‘Yan ba ang official bagman ng GAB!?
NASAAN ANG HUMAN RIGHTS COMMISSION PARA KAY ANDREA ROSAL?
NAKABIBINGI ang katahimikan ng Commission on Human Rights (CHR) sa kaso ng pang-aabuso, at kapabayaan sa karapatang pantao ng isang buntis na gaya ni Andrea Rosal.
Namatayan ng anak si Andrea – hindi natin kayang saklawan ang sabi nga ‘e Divine intervention – pero alam nating lahat na nakaapekto nang husto ang paghina ng kalusugan ni Andrea at ng kanyang anak na si Diona Andrea dahil kapwa sila hindi nabigyan ng kaukulang atensiyong medikal.
Pitong-buwan buntis si Andrea nang siya ay dakpin sa Caloocan City dahil sa dalawang kaso na mariin niyang itinanggi.
Idinidiin din na siya umano ay kasapi ng New People’s Army gaya ng kanyang amang si Gregorio “Ka Roger” Rosal.
Walang maiharap na ebidensiya ang mga humuli sa kanya ganoon pa man, ikinulong pa rin siya kahit na siya ay buntis ng pitong buwan.
Humiling ang kampo nina Andrea na isailalim siya sa hospital arrest, pero hindi pumayag ang mga awtoridad. Nagle-labor na si Andrea e hindi pa rin umano nababahala ang mga umaresto sa kanya. Kung hindi pa siya namilipit sa sakit ‘e hindi pa siya dadalhin sa ospital.
Sa madaling sabi, nakapanganak si Andrea pero ilang oras bago magdalawang araw ang kanyang anak na si Diona Andrea, pumanaw ang sanggol.
Hindi natin kapanalig sa ideolohiya si Andrea, bagamat naniniwala ako sa ilang aspeto ng kanilang pakikibaka.
Pero ang ipinatataka natin dito, bakit si Janet Lim Napoles na itinuturong ‘arkitekto’ ng P10-billion pork barrel scam ay napakabilis na nabigyan ng hospital arrest?
Bakit hindi ang isang Andrea Rosal na mayroong dinadalang sanggol sa kanyang sinapupunan?!
Bakit nanahimik ang CHR?!
Pakisagot na nga po Madam, Gen. Lina Sarmiento and CHR chair Madam Etta Rosales?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com