TINATAYANG humakot lang ng 750,000 hanggang 800,000 PPV buys ang naging rematch ni Manny Pacquiao kay Timothy Bradley noong Abril 12 sa MGM Grand sa Las Vegas.
Ang nasabing figure ay kinompirma ni Top Rank promoter Bob Arum sa ESPN.com
Ang nasabing numero ay mababa rin sa unang paghaharap ng dalawang boksingero. Sa una nilang laban noong June 2012 ay bumenta ng 890,000 PPV.
“We’re between 750,000 and 800,000. Sure, it’s a disappointment,” pahayag ni Arum.
Hindi naglabas ang HBO PPV ng formal na numero katulad ng kalakaran noon. Pero kinompirma ng ESPN na malapit-lapit ang inihayag na numero ni Arum. Ang laban ay humakot ng tinatayang $49 million sa gross pay-per-view revenue.
Nang matalo si Pacman kay Juan Marquez via 6th round knockout noong Disyembre 2012, humakot ito ng isang milyon sa PPV.
At ang pinakamiserable ay nang magtala lang si Pacquiao ng 475,000 buys sa naging laban niya kay Brandon Rios noong nakaraang Nobyembre sa Macau, China.